STA. ROSA, Laguna – Todo ang sakripisyo ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance para makaagapay sa labanan. Ngayong, naagaw na niya ang ‘red jersey’ – simbolo ng pangunguna sa individual race – walang plano ang defending champion na bitiwan ito sa madaling paraan.

Bagong diskarte at istratehiya ang binuo ng 31-anyos na si Morales para mapalawig ang tangan na bentahe sa pagsikad ng Stage Nine Criterium ngayon sa 2017 LBC Ronda Pilipinas sa Paseo de Sta. Rosa sa Laguna.

Tuluyang naagaw ni Morales ang liderato sa kasanggang si Rudy Roque matapos ang matikas na pagtatapos sa Stage 8 nitong Biyernes na pinagwagihan ng Navyman ding si Jay Lampawog.

Tangan ni Morales, nagtatangka sa makasaysayang back-to-back title, ang kabuuang 28 oras, 55 minuto at 16 segundo, halos isang minuto ang bentahe kay Roque (28:57:09).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nasa ikatlong puwesto ang kasangga nilang si Ronald Lomotos (28:59:30).

“The plan is for me to ride intelligently and I will need the whole team to help me keep the lead,” sambit ni Morales.

Tumataginting na R1 milyon ang premyo sa kampeon sa premyadong cycling marathon sa bansa kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.