Lumilitaw na ang mga linya sa Senado at sa Mababang Kapulungan hinggil sa death penalty bill na isinusulong ng administrasyon.
Labing-apat na senador ang pumirma sa resolusyon na nagdedeklara na ang anumang treaty na pinagtibay ng Senado ay “becomes a part of the law of the land and may not be undone without the shared power that put it into effect.” Sa madaling sabi, ang Senado ay kailangang magkakasundo sa anumang desisyon sa pagsasantabi sa isang treaty o kasunduan.
Ang isyu sa kasong ito ay ang death penalty bill na, kapag naaprubahan, ay lalabag sa International Covenant on Civil and Political Rights at sa kasunod na Protocol nito, na panawagan sa lahat ng approving at ratifying states na magpatupad ng moratorium sa parusang bitay sa layong pagbuwag sa beath penalty. Ang Pilipinas ay isa sa 109 na bansang nag-aproba sa Protocol noong 2010.
Sa Mababang Kapulungan, hiniling ni Speaker Pantaleon Alvarez sa anti-death penalty congressmen na tigilan ang paggamit ng delaying tactics tulad ng pagkuwestiyon sa quorum at pagbibigay ng mahahabang talumpati tuwing itinatakda ang debate sa panukalang batas.
Matatandaan na ang Bangsamoro Basic Law (BBL), na masigasig na isinulong ng administrasyong Aquino sa Kongreso, ay hindi naisabatas sa kabilang ng pamamayani ng Liberal Party solons. Tuwing nakatakdang pagdebatehan ang bill, walang quorum.
Hindi nakatutulong sa mga nagsusulong sa bill na napakarami ng krimen na iminumungkahing patawan ng parusang kamatayan. Ang ilan sa mga ito ay treason, piracy, mutiny, qualified bribery, parricide, murder, infanticide, rape, kidnapping and serious illegal detention, robbery with violence, destructive arson, plunder, importation, production, and distribution of drugs, planting of evidence, at carnapping.
Kahit tanggalin pa ang maraming krimen sa bill, at itira na lamang ang pinakanakasusuklam na mga krimen, ang parusang kamatayan ay sumasalungat sa Kristiyanong tradisyon na nasa pinakabuod ng bansang ito. “Huwag kang papatay” ang isa sa mga nakasaad sa Sampung Kautusan ng Diyos. “Kung sinuman ang walang kasalanan sa inyon ang siyang maunang bumato sa kanya,” sabi ni Kristo sa mga tao na nais batuhin hanggang sa mamatay ang babae na nagkasala ng pangangalunya.
Ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ay naglabas ng pastoral statement tungkol sa usaping ito at tiyak na magiging laman ito ng mga sermon sa maraming simbahan ngayon. Ang tunggalian sa pagsasabatas sa naturang panukala ay magaganap sa Kongreso. Sa Marso 18 bago magbakasyon ang mga mambabatas, maaaring mabuo na ang desisyon sa Mababang Kapulungan, at saka ito dadalhin sa Senado.