ISANG mahalaga at natatanging araw ang ikatlong Linggo ng Pebrero sa mga taga-Taytay, Rizal sapagkat sabay na ipinagdiriwang ang Araw ng Pasasalamat at ang HAMAKA Festival. Tampok ang isang concelebrated mass bilang bahagi ng pasasalamat sa Simbahan ng parokya ni San Juan Bautista, ang patron saint ng mga taga-Taytay, Rizal. Susundan ito ng Hamaka night at variety show.
Ang Hamaka ay nangangahulugang duyan. Sa duyan ipinaghehele ang mga sanggol. Duyan ang sinasakyan ng mga babae noong araw kapag umaahon sa Antipolo. Ngunit para sa mga taga-Taytay, Rizal, ang Hamaka ay may ibang kahulugan. Hango sa mga salitang HAMba (woodworks), MAkina (sewing machine) at KAsuotan (garments).
Ang Taytay ay kilala sa paggawa ng mga bintana hamba at pinto ng bahay at sa pananahi ng mga damit. Ang Taytay ay ang Garments Capital ng Pilipinas. Ngayong 2017, ang paksa o tema ng Araw ng Pasasalamat at Hamaka Festival ay “The Best Hamaka for the Best of Taytay”.
Ang Hamaka Festival ay sinimulan noong Pebrero 22, 1998 matapos magkaisa ang mga mamamayan na magdiwang upang ipagpasalamat ang masaganang ani. Isa itong pagkakataon ng mga Taytayenos na ipakita ang bunga ng kanilang mga nagawa sa woodworks at garments industry. Gayundin ang talino at kakayahan ng mga taga-Taytay bilang kanilang partisipasyon sa magkasabay na pagdiriwang.
Ayon kay Taytay Mayor Joric Gacula, isang linggo bago sumapit ang Araw ng Pasasalamat at Hamaka Festival, iba’t ibang aktibidad ang isinasagawa bilang bahagi ng pagdiriwang. Ito ay idinaraos sa Kalayaan Park at sa harap ng gusali ng lumang munisipyo na kinatatampukan ng Hamaka kick off parade, Hamaka extra challenge, street dancing, fashion festival, adobo festival, handog ng Dep-Ed sa Hamaka, koronasyon ng Ginoo at Mutya ng Hamaka. At ang grand civic parade nitong Pebrero 18 na nilahukan ng mga opisyal ng munisipyo, empleyado, mga guro at mag-aaral, at iba’t ibang organisasyon sa Taytay.
Ang Taytay ay isang matandang pamayanan na itinatag noong 1571 nang binyagan bilang Kristiyano si Padre Aonzo de Alvarado ng Villalobos expedition.
Naging isang ganap na bayan noong 1675. At noong 1853, ang Taytay na dating bahagi ng Tondo Disrict ay humiwalay at naging bahagi ng Distrito Politico Mailitar de Morong o Morong District (dating pangalan ng Rizal). Naging munisipalidad noong 1913. At mula noon hanggang ngayon, umunlad ang Taytay sa pagsisikap ng mga namuno rito.
(Clemen Bautista)