KUNG noong panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino ay may tinatawag na mga babaeng may “balls”, ngayon ay may isa ring babae sa gabinete ni President Rodrigo Roa Duterte na may “balls.” Siya ay si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Regina “Gina” Lopez. Noon ay sina ex-DoJ Sec. Leila de Lima, ex-BIR commissioner Kim Henarez, ex-COA chief Grace Pulido-Tan, at Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Ipinakansela si Sec. Gina ang 75 mining contract kaugnay ng pinaigting na kampanya ng Duterte administration na ipasara ang mga minahan na pumipinsala sa mga watershed. Ang pinakanselang mga kontrata ay kumakatawan sa halos ika-3 bahagi ng kontrata sa “undeveloped mines”, kabilang ang $5.9-billion Tampakan gold and copper project sa South Cotabato.

Ayon kay Lopez, kailangang kanselahin ang mga kontrata sa pagmimina sapagkat lahat sila ay nasa watershed zones at maaaring magsapanganib sa supply ng tubig. Maraming nagrereklamo sa pagpapasara ng DENR sa mga minahan dahil marami raw ang mawawalan ng trabaho bukod pa sa nakatutulong sa ekonomiya ng Pilipinas ang mga minahan.

Inamin ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na siya ay istrikto at “siga-siga” sa hanay ng pulisya, pero pagdating sa bahay, siya ay mabait at “ander de saya” sa kanyang pinakamamahal na esposa. Ang pag-amin ay ginawa ni Gen. Bato nang siya at ginang na si Nancy Grace ay tumayong ninong at ninang sa 21 magkasintahan na lumahok sa Kasalang Bayan 2017 na ginanap sa St. Joseph Chapel sa Camp Crame, Quezon City kaugnay ng pagdiriwang ng Valentine’s Day.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sinabihan ni Bato ang mga lalaki na hindi dapat ikahiyang sila ay “henpecked” sapagkat nagpapatunay ito na mahal nila ang kanilang mga ginang. “Huwag kayong mahiya na tawaging ander de saya. Dapat pa ngang ipagmalaki ito sapagkat patunay na mahal ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mahal, aba balewala lang sila sa inyo,” pangaral ng PNP chief na maskulado at nagmumura ring katulad ni Mano Digong.

Sakaling siya ay ipahuli ng DoJ dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP), sinabi ni Sen. Leila de Lima na hindi siya mangingibang-bansa, magsasakit-sakitan o gagawa ng kung anu-anong alibi upang hindi makulong. Kinasuhan na siya ng DoJ ng 3 kasong kriminal na pawang non-bailable.

Nangangamba si Sen. Leila na inapura ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II upang siya’y sampahan ng kaso para isyuhan ng warrant of arrest. “I’m pinning my hope on the judiciary. I have faith in our judiciary especially the courts, the Supreme Court.” Talagang ayaw tantanan si De Lima ng Duterte admin na hindi makalimot sa ginawa niyang pagpapaimbestiga sa noon ay alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte tungkol sa umano’y pagkakasangkot nito sa kilabot na Davao Death Squad.

Humanda ka Sen. Leila de Lima sa unos na dala ng administrasyon at ipakita mong ikaw ay isang babaeng may “balls” at hindi katulad ng mga lalaking senador at kongresista na urong ang mga “yagbols” at takot kay PDu30! (Bert de Guzman)