KAPANALIG, gaano na ba kalaki ang populasyon ng mundo ngayon? Gaano na ba kalaki ang populasyon ng Pilipinas?
Nakikita mo ba ang implikasyon ng malaking populasyon sa ating buhay?
Sa ngayon tinatayang aabot na sa pitong bilyon ang populasyon ng mundo. Sa ating bayan, lampas pa sa 100 milyon ang ating populasyon. Handa ba tayo sa mga hamong dala nito?
Ang mataas na populasyon ay may implikasyon sa food security o seguridad sa pagkain. Isang analogy dito ay ang pamilya. Mas komportable ang pamilya kung ang resources nito ay sapat sa dami ng miyembro. Kung pantay-pantay din ang pagtingin sa bawat miyembro, walang makakalamang, walang dehado. Lahat ng mga kailangan nito ay makakamit upang matamo ang kaganapan ng kanyang pagkatao. Walang magugutom.
Kaya lamang, ang ideal na estado na ito ay mahirap makamit sa ating mga tahanan, lalo pa kung ang bansa o ang mundo na ang pag-uusapan. Isipin po natin ngayon, sa pitong bilyong tao sa mundo, isang bilyon ang tinatayang undernourished o kulang ang kinakain, isang bilyon ang malnourished, at isang bilyon naman ang overweight o obese.
At kung susuriin pa, makikita natin na karamihan sa mga gutom at malnourished ay nasa Asya at Pasipiko. Two-thirds ng isang bilyong gutom ay nasa Asya at Pasipiko, gayundin ang 68% underweight.
Ang mga isyung ito ay nakasalalay sa pagkain at sa agrikultura. Nakasalalay din ito sa kalikasan. Sa ating bayan, maraming isyu ang mga magsasaka, marami ring isyu ang mga mamamayan ukol sa kalikasan.
Ang sanga-sangang isyu na ito ay nakakasalalay din sa ating mga polisiya. Ang ating mga gobyerno, kasama ang mga senador at kongresista, ay kailangang mamulat sa mga isyung ito upang masiguro na sapat ang pagkain at iba pang resources sa dami ng ating mga mamamayan. Kapag hindi natin bibigyan ng agarang lunas ang mga isyung pang-agrikultura at pang-kalikasan, pihadong laging kulang.
Ang kawalan ng social justice ay ugat ng maraming isyu sa mundo. Kung ang tao ay maramot at walang pakialam sa kapwa, ang seguridad sa pagkain ay hindi makakamtan at lalong magiging mas mailap habang dumadami ang populasyon.
Ang Gaudium et Spes ay may mahalagang paalala sa atin: Magkakaiba man tayo ng lahi, tayong lahat ay may patas na dignidad bilang tao. Ang dignidad na ito ay hinahamon tayong kumilos tungo sa mas patas at mas makataong lipunan, ng mas makataong sanlibutan. Ang sobrang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at sa sanlibutan ay isang malaking iskandalo, at isang malaking balakid sa kapayapaan.
Sumainyo ang katotohanan! (Fr. Anton Pascual)