Isinugod sa iba’t ibang ospital ang 16 na katao matapos mahilo at magsuka na hinihinalang nalason sa Pasay City nitong Biyernes.
Sa report ng isang lokal na himpilan ng radyo, isinugod ang walo sa mga biktima, hindi binanggit ang mga pangalan, sa San Juan De Dios Hospital habang walong iba pa ay sa Manila Doctors Hospital.
Nabatid na ang mga biktima ay dumalo sa isang national convention na idinaos sa SMX Mall of Asia (MOA) nitong Biyernes.
Lumilitaw na isang catering service ang inupahan para magsilbi ng pagkain sa mga nakiisa sa nasabing convention.
Makalipas ang ilang sandali pagkatapos kumain ng mga biktima ay bigla na lamang umanong nakaramdam ng hilo at nagsusuka ang mga ito kaya agad silang isinugod sa mga nabanggit na ospital.
Ang pamunuan ng ospital ang agad na tumawag sa Pasay City Police upang i-report ang insidente subalit pagdating ng mga pulis sa ospital ay tumanggi ang mga biktima na maghain ng reklamo dahil naayos na ito sa pagitan ng event organizer at ng catering service. (BELLA GAMOTEA)