NANGAKO ang Palawan na maglalaan ng karagdagang 100,000 ektarya para sa programa magkaroon ng sapat na produksiyon ng bigas sa bansa, ayon sa Department of Agriculture.

“Ang availability ng mga bagong taniman ng palay sa Palawan ay nagbibigay ng ginhawa sa problema ng bansa sa produksiyon ng bigas,” sabi ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol, binigyang-diin na ang tradisyunal na lugar ng sakahan ay apektado na ngayon ng climate change.

Inihayag ni Piñol na dagdag ang bagong lugar sa 59,000 ektaryang sakahan ng probinsiya na nakatulong sa Palawan na makamit ang 110 porsiyentong kasapatan sa bigas.

Sa pagpupulong kasama ang kalihim ng kagawaran ng agrikultura nitong Miyerkules, humingi ng tulong si Palawan Governor Jose Alvarez sa Department of Agriculture para masolusyunan ang mataas na acidic soil ng Palawan na nagdudulot ng pananamlay sa ani ng palay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bagamat kailangan ng Palawan ng mas maraming pasilidad para sa irigasyon, inilahad ni Alvarez na hindi dapat na maging dahilan ito para masira ang natural na kagandahan ng probinsiya, na popular bilang destinasyon ng mga turista.

Inatasan ni Piñol si Philippine Rice Research Institute Executive Director Dr. Sailila Abdulla na bumuo ng grupo kasama ang Bureau of Soils and Water Management para magsagawa ng malawakang pagsusuri ng lupa sa Palawan.

Binanggit niya rin na sa halip na magtayo ng mga water-impounding dam, ilulunsad ng Department of Agriculture sa Palawan ang sistema ng irigasyon na makakalikasan, na kilala bilang Solar-Powered Irrigation Systems, o ang paghahango ng tubig mula sa mga dagat.

Hiniling din ni Secretary Piñol kay Department of Agriculture-Region 4-B Director Boy Santiago bigyang-daan ang pagtatatag ng Solar-Powered Irrigation Systems nang hindi na kailangang magpatayo ng mga dam. (PNA)