Malubhang nasugatan ang dalawang katao makaraang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa concrete island ng Quiapo Bridge sa Maynila, kahapon ng madaling araw.
Agad nilapatan ng paunang lunas sina John Nolasco (driver) at Pearl Perez bago tuluyang isinugod sa ospital.
Sa salaysay ni Rodel Juntilla, saksi, sa mga imbestigador ng Manila Police District (MPD), dakong 1:30 ng madaling araw naganap ang aksidente.
Posible umanong hindi natantsa ni Nolasco ang pagliko sa pakurbang daan kaya dumire-diretso ang mga ito at sumalpok sa concrete island.
Mabilis din, aniya, ang takbo ng motorsiklo nang maaksidente ang dalawa.
Nagtamo ng galos sa tuhod si Perez habang nagkasugat naman sa ulo, braso at paa si Nolasco. (Mary Ann Santiago)