Naglabas kahapon ng abiso ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na bukas ang pulisya sa pagtanggap ng mga bago at mabubuting pulis na ipapalit sa tinaguriang “scalawags” na ipinatapon na sa Basilan.
Ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, ipinatapon ngayong linggo sa Basilan ang 311 “tiwaling” pulis bilang bahagi ng internal cleansing sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Taun-taon, mahigit 1,000 pulis ang nare-recruit ng NCRPO at mahigit 10,000 pulis naman ang kinukuha ng PNP at karamihan sa mga ito ay itinatalaga sa Metro Manila.
Sinabi ni Albayalde na sa Abril at Mayo ngayong taon sisimulan ang recruitment at hinihikayat ang mga aplikante na magsumite ng kanilang aplikasyon sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Mahigpit ding ipinaalala ni Albayalde sa mga nagnanais na magpulis na kinakailangang ang mga ito ay may puso, maging seryoso at huwag gawing negosyo ang pagpupulis upang hindi masangkot sa katiwalian. (Bella Gamotea)