UNISAN, Quezon – May bagong babantayan ang mga karibal. At may bagong bayani sa Philippine Navy-Standard Insurance.

Humirit at bumirit si rookie Navyman Jay Lampawog para tampukan ang Stage Eight, habang tuluyang sumirit sa liderato at patatagin ang kampanyang back-to-back title si Jan Paul Morales kahapon sa LBC Ronda Pilipinas.

Nagpamalas ng kahusayan ang 19-anyos na si Lampawog para tampukan ang 187-km na biyahe sa tyempong apat na oras, 29 minuto at 29 segundo, gahibla lamang ang layo sa grupo ng anim na riders na kinabibilangan nina Morales at Jaybop Pagnanawon.

Kasama rin si Go for Gold daredevil Jonel Carcueva sa grupong naorasan ng 4:30:39 katulad ng kasanggang sina Bryant Sewpnio at Jigo Mendoza, gayundin si Ryan Serapio ng Ilocos Sur.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Sarap ng feelings, napawi lahat ng pagod ko. Masaya ako sa panalo at nakatulong ako sa laban ng team,” pahayag ni Lampawog, pambato ng Villasis, Pangasinan.

Higit naman ang kasiyahan ng 31-anyos na si Morales nang tuluyang maagaw ang ‘red jersey’ mula sa kasanggang si Rudy Roque bunsod ng ikalawang sunod na pagsampa sa podium.

Sa kasalukuyan, tangan ni Morales ang kabuuang oras na 28:55:16, mahigit isang minuto ang bentahe kay Roque, lider sa nakalipas na pitong stage, sa oras na 28:57:09.

Nasa ikatlong puwesto ang isa pang Navyman na si Ronald Lomotos, ang Stage One winner, sa tyempong 28:59:30.

“Malaking bagay talaga kapag buong team ang kumilos. Kung walang suporta, tiyak na masisingitan kami,” pahayag ni Morales.

Tumataginting na P1 milyon ang premyo sa individual champion kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.