PAMILYAR ang video na inilabas nitong Martes ng Abu Sayyaf. Ipinakikita rito ang bihag na German na napaliligiran ng mga armadong lalaki habang nasa kagubatan, ang isa sa mga lalaki ay may hawak na pakurbang patalim na nakapuwesto malapit sa leeg ng bihag. Ang bihag ay si Jurgen Kantner ng Germany. Nobyembre nang siya ay dukutin ng mga bandido habang naglalayag sa kanyang yate sa karagatan ng Sabah, pinatay din ang kasama ni Kantner na si Sabine Merz, at inabandona ang yate sa baybayin ng Sulu.
Nagbabanta ngayon ang mga bandido na papatayin ang kanilang bihag kapag hindi naibigay sa kanila ang hinihinging P30-milyon ransom hanggang sa Pebrero 26, mahigit isang linggo mula ngayon.
Pamilyar ang video dahil ilang buwan na ang nakalipas nang lumabas ang video ng dalawang Canadian, isang Norwegian, at isang Pilipina sa marahil ay kaparehong bahagi ng kagubatan, habang nagmamakaawa para sa kani-kanilang buhay.
Dinukot sila mula sa isang resort sa Samal Island sa Davao Gulf at dinala sa Sulu, bilang bihag ng kaparehong grupo ng Abu Sayyaf, na humingi rin ng ransom at nagbantang pupugutan ang mga bihag kapag hindi nabayaran.
Tuluyang pinugutan ang dalawang Canadian — sina John Ridsdel at Robert Hall—noong Abril at Hunyo 2016. Pinalaya naman ang Pilipinang si Marites Flor at ang Norwegian na si Khartan Sekkingstad sa pagpupursige ng noon ay bagong halal na si Pangulong Duterte, sa tulong ng Moro National Liberation Front (MNLF). Sakaling nagkabayaran ng ransom, sinabi ng Malacañang na hindi nila batid ito. Ayon sa mga police intelligence source, nasa P30 milyon ang tinanggap ng Abu Sayyaf para palayain ang Norwegian.
Sa buong panahon ng pagdurusa ng apat na bihag, tinugis ng Sandatahang Lakas ang Abu Sayyaf sa kagubatan ng Sulu — ngunit walang nangyari. Kaya naman muling nakapambihag ang grupo, isa pang dayuhan, at muling humingi ngayon ng ransom.
Gaya sa nakalipas na mga pagdukot, idineklara ng gobyerno na labag sa polisiya nito ang pagbabayad ng ransom. “Our position has been consistent,” sabi ni Col. Edgard Arevalo,pinuno ng Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office. “We discourage payment of ransom because we believe that payment of ransom will only embolden them, will continue to capacitate them, and they can even buy the loyalty of the community.”
Gayunman, mistulang hindi naging matagumpay ang nasabing polisiya upang mapatigil ang Abu Sayyaf. Ayon sa sariling mga ulat ng militar, bihag ngayon ng Abu Sayyaf ang 27 lokal at dayuhan sa Sulu at Basilan. Marahil ang tanging paraan upang mapigilan sila ay isang malawakan at matinding operasyon ng militar. O ang solusyong pulitikal na federalism, na ang mga lokal na opisyal — na posibleng may kaugnayan sa MNLF at sa Moro Islamic Liberation Force (MILF) — ang aako sa responsibilidad na mapanatili ang seguridad at kaayusan sa bahaging iyon ng Mindanao.
Sa ngayon, makikisimpatiya na lamang tayo sa pamilya ni Jurgen Kantner at umasang makasusumpong sila, at ang gobyerno ng Germany, ng mas mainam na solusyon, gaya ng nagligtas sa buhay ng Norwegian na si Khartan Sekkingstad.