Tahasang inihayag kahapon ni Pangulong Duterte ang kaparehong hamon nitong Huwebes ni Senator Antonio Trillanes IV:
Handa siyang magbitiw sa puwesto kapag napatunayan ng senador na totoong may P2 bilyon siya sa bangko.
Sa recorded statement na inilabas ng Malacañang nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng Pangulo na hindi naman mahirap ang kanyang pamilya dahil may naiwan namang kabuhayan ang namayapa niyang ama na si dating Davao Gov. Vicente Duterte.
Nilinaw din ng Presidente na matagumpay na negosyante ang common law wife niyang si Honeylet Avanceña, habang isang abogada naman ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kaugnay nito, tahasang tinawag ni Duterte ng “tulisan” si Trillanes, na wala nang political career dahil dalawang taon na lang ito sa Senado.
Buwelta naman ni Trillanes, sa halip na pang-iinsulto ang ibato sa kanya ay mas mainam na ipakita na lang ng Pangulo ang bank transactions nito para magkaalaman na kung sino sa kanila ang dapat na magbitiw sa puwesto.
“President Duterte, marami ka pang sinasabi. Kung talagang wala kang itinatagong nakaw na yaman, tanggapin mo na ang hamon ko at buksan mo na ‘yung transaction history ng bank accounts mo. At kung mali ako, magre-resign agad ako bilang senador,” sabi ni Trillanes.
Kaugnay naman ng parunggit kay Trillanes ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na maghain na lamang ng kaukulang kaso ang senador tungkol sa mga alegasyon nito, nanawagan si Trillanes sa Office of the Ombudsman na madaliin na ang plunder case na isinampa niya laban kay Duterte.
“Una, para sa kaalaman ng lahat, nag-file na ako ng plunder case against President Duterte nung May 2016 pa at ginamit kong ebidensiya ang mga hawak kong dokumento tungkol sa questionable bank transactions niya,” ani Trilllanes.
“Ikalawa, tungkol naman sa mga pang-iinsulto niya sa akin, hindi ko na siya papatulan. Pero hindi ko rin hahayaan na ilihis niya ‘yung issue,” dagdag pa ni Trillanes. (Beth Camia at Leonel Abasola)