KAHIT na may matinding puwersa na magpapabago sa pagpapasara ni Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mahigit na 20 mining corporation, naniniwala ako na hindi siya dapat magpatangay; sa unang pagkakataon, ngayon lamang nagkaroon ng maaaring marahas subalit angkop na aksiyon laban sa itinuturing na mga salot ng kalikasan at kapaligiran. Ang kanyang desisyon ay sinasabing nakaangkla sa tandisang paglabag ng mga minahan sa environmental laws.

Hindi na bago sa atin ang kaliwa’t kanang reklamo laban sa pamamayagpag ng sinasabing labag sa batas na operasyon ng mga minahan sa iba’t ibang sulok ng kapuluan, lalo na sa Mindanao at sa ilang lugar sa Visayas at Luzon. Ang mga ito ang pasimuno sa pagwasak ng mga watershed o mga lugar na imbakan at pinanggagalingan ng tubig na iniinom ng ating mga kababayan. Ang katas na nagmumula sa pagmimina ang lumalason sa ilog at karagatan na lumalason sa mga isda at iba pang yamang-dagat na ikinabubuhay ng sambayanan.

Ang reklamo ng ilang sektor ng sambayanan ay bunsod naman ng mga sapantaha na ang karamihan sa mga minahan ay pinangangalagaan ng malalaking pulitiko at iba pang makapangyarihang personalidad upang sila ay hindi masalang ng batas. Kapani-paniwala na ang ilang mining company ang laging sumusuporta sa kandidatura ng mga pulitiko.

Maliwanag na ito ang dahilan ng mistulang pambabraso ng ilang lider ng mining industry upang iapela ang desisyon ni Lopez; kabi-kabila ang sumisigaw ng ‘illegal and unfair’ at tila hindi sila maglulubay hanggang hindi sila nakalalapit kay Pangulong Duterte na, sa aking pagkakaalam, ang siyang makapagpapasiya sa naturang isyu.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi miminsang tayo ay binulaga ng mga ulat hinggil sa talamak na illegal mining. Ang mga kapitalista na mistulang binubuhay ng maliliit na manggagawa sa minahan ang nagkakamal ng pakinabang mula sa nahuhukay na ginto, nikel at tanso; ang kayamanang nahuhukay ay hindi ipinagbabayad ng buwis. Samakatuwid, ang operasyon ng mining industry ay hindi gaanong nakatutulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya; ang malaking biyaya ay napupunta sa bulsa ng mga may minahan.

Kahawig ito ng illegal logging na dapat ding ganap na ipagbawal sapagkat ito ay pumipinsala rin sa kalikasan.

Malaking bahagi ng ating kagubatan at kabundukan ang kinalbo ng mga illegal logger. Ang mga ito ang salarin, wika nga, sa pagbaha at pagkaagnas ng lupa sapagkat pinutol na ang mga punungkahoy na pumipigil sa tubig.

Ang illegal mining at illegal logging ay totoong may kambal na pinsala sa buhay ng taumbayan: mistulang pagkalason ng tubig na iniinom at pagbaha at landslide. Milyun-milyong minero ang mawawalan ng trabaho at maaaring malagay sa panganib ang kanilang buhay.

Obligasyon ng gobyerno na bumalangkas ng mga alternatibo para sa kabuhayan ng mga obrero. Kailangang pangalagaan ang ating kalikasan at kapaligiran para sa ating kaligtasan. (Celo Lagmay)