Apat na sundalo, kabilang ang isang Army major, ang nasawi sa magkahiwalay na pakikipagbakbakan sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Davao City, at sa hinihinalang mga tauhan ng Maute terror group sa Marawi City, Lanao del Sur nitong Huwebes ng hapon.

Iniulat na 16 pang sundalo ang nasugatan sa magkahiwalay na engkuwentro.

Sa engkuwentro sa Marawi, kinilala ni Army Lt. Col. Benedicto Manquiquis, hepe ng 1st Infantry Division-Public Affairs Office, ang mga nasawing sundalo na sina Major Jerico P. Mangalus, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) "Banyuhay" Class of 2002; at Corporal Bryan Libot.

Nasugatan naman si Corporal Rolando Cartilla sa sagupaang nangyari bandang 5:30 ng hapon nitong Huwebes, ayon kay Col. Manquiquis.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Manquiquis, sakay ang mga tauhan ng Military Intelligence Group (MIG) 10 ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa silver na Isuzu Crosswind (ZST-997) at nagsasagawa ng intelligence operations sa Barangay Lilod Madaya sa Marawi nang makaengkuwentro ang mga hinihinalang miyembro ng Maute, na sakay naman sa puting Toyota Corolla (ULB-391).

KONTRA NPA

Sa Davao City, kinumpirma ni Army Major Ezra L. Balagtey, tagapagsalita ng Joint Task Force Haribon ng AFP-Eastern Mindanao Command, ang pagkakapaslang sa dalawang sundalo ngunit pansamantalang hindi muna pinangalanan ang mga ito.

Ayon kay Balagtey, bandang 4:00 ng hapon nitong Huwebes nang mangyari ang bakbakan sa pagitan ng 3rd Infantry Battalion at NPA sa hangganan ng mga barangay ng Lacson at Lamanan sa Calinan District, Davao City.

Bukod sa dalawang napatay na sundalo, 15 iba pa sa militar ang nasugatan sa pagpapasabog ng NPA ng landmine sa convoy ng Army.

Napaulat na dalawang rebelde rin ang napatay sa sagupaan, at nasamsaman ng isang .45 caliber pistol at isang garand rifle, dalawang improvised explosive device, at mga gamit sa paggawa ng landmine.

MISIS NG NPA LEADER TODAS

Kasabay nito, iniulat din ng Philippine Army ang pagkakapaslang sa maybahay ng isang NPA leader sa isa pang engkuwentro sa Northern Samar nitong Pebrero 14.

Kinilala ni Major General Raul M. Farnacio, commander ng 8th Infantry Division, ang napatay na si Bernadette Lutao, alyas “Kakan”, umano’y asawa ng NPA leader na si Salvador Nordan, alyas “Badok”. (FRANCIS T. WAKEFIELD)