UMANI ng paghanga at tumatak ang pangalan ni Ezra Liz Joy Ng, isang Pilipinang singer, nang masungkit ang pinakamaraming online votes sa The Voice Israel, kaya umakyat siya sa semi-finals ng naturang kompetisyon sa nasabing bansa.

Si Joy ang pinakabatang semifinalist sa naturang patimpalak.

Nagsagawa ng courtesy call ang 17-anyos na mang-aawit kay Philippine Ambassador to Israel Neal Imperial sa Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv nitong Pebrero 14.

“My friends encouraged me to join The Voice Israel,” sabi ni Joy, na sumisikat ngayon sa Israel. 

Diana Zubiri, 'di pinagsisihang nagsimula bilang sexy actress

Simula pagkabata, mahilig nang kumanta sa mga pagtitipon ng Filipino community at nagtanghal na rin siya sa mga aktibidad ng embahada at nakilala sa kanyang angking galing sa pag-awit, kaya madali niyang nakuha ang simpatya at suporta ng mga kababayan sa Israel. 

Pinuri ni Ambassador Imperial si Joy sa pagbibigay niya ng karangalan sa mga Pilipino sa naturang bansa sa pagbabahagi ng kanyang talento.

Hinirang si Joy bilang Ambassador of Goodwill dahil sa kontribusyon niya para mapagkaisa ang mga Pilipino at Israeli at lumutang ang magandang imahe ng mga Pinoy sa nasabing bansa.   

Tiniyak ng ambassador ang buong suporta ng embahada at hinimok ng ang Filipino community sa Israel na patuloy siyang tulungang makamit ang titulo bilang 2017 The Voice Israel. (BELLA GAMOTEA)