IBA-IBA ang naging reaksiyon sa pahayag ni Pangulong Duterte na balak niyang buhaying muli ang Philippine Constabular (PC). Ngunit kailangan ba talagang buhaying muli ang ahensiyang ito na naugnay sa karahasan ng nakaraang diktadurya?

Nagkakaisa at madiing tinututulan ito ng mga biktima ng martial law.

Ang PC ay itinatag mga Amerikanong mananakop upang gamitin laban sa mga rebolusyunaryong Pilipino at habulin ang mga magnanakaw ng baka at kalabaw. Kalaunan, naging pangunahing puwersa ito ng pamahalaan laban sa mga rebelde.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, tinupad nito ang mahalagang papel bilang bahagi ng puwersang militar na tagapagtanggol ng ating bansa. Noon panahon ng martial law lamang nadungisan ang pangalan nito dahil ginamit sa paniniil.

Mayroon nga bang matinding pangangailangan para muling buhayin ang PC bukod sa para resolbahin ang pesteng problema ng mga bugok sa kapulisan? Ito ba talaga ang lunas upang maibalik ang katinuan sa imahe ng mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas?

Sa ngayon, ang pagpapatupad ng batas, kapwa panloob at panlabas, ay nakasandal sa kakayahan ng mahigit 300,000 puwersa ng AFP at PNP. Katumbas ito ng halos isang law enforcer sa bawat 350 Pilipino. Ngunit wala sa mga bilang nananahan ang kapanatagan ng publiko.

Ang pagbuhay muli sa PC para lusawin ang PNP ay magastos na mungkahi. Yumabong ang mga unipormadong tampalasan hindi dahil sa mga depekto ng institusyon kundi dahil sa mga maling pamamaraan ng pagpapatupad ng disiplina, mga regulasyon at pagparusa sa mga tiwali.

Isang problemang hindi gaanong pinapansin ay ang paggamit sa mga law enforcer bilang mga bodyguard ng mga pulitiko.

Ang areglong ito na nagbibigay sa mga pulitiko ng kontrol sa mga pulis at sundalo ay lumikha ng masamang kultura at kalituhan sa katapatan. Dahil dito nakurap ang kapulisan dahil natutong kumapit ang mga pulis sa mga padrinong pulitiko bilang... sandalan at tagapagligtas nila.

Ang problema sa pagkakaroon ng mga bugok sa hanay ng PNP ay bunga ng ilang mga kadahilanan: kabiguan sa pagdisiplina sa mga tiwaling pulis, depekto sa recruitment kung saan sumasandal sa mga padrinong pulitiko ang mga aplikante, at impluwensiya ng mga tiwali at bugok na mga opisyal na tinitingala nilang huwaran.

Dapat panatilihin ang PNP. Sa pamamagitan ng tama at istriktong mga pamantayan sa pagpili ng mga magpupulis; wastong pagsanay sa values at disiplina; makatarungang sistema sa pagdestino at pagbibigay ng promosyon; at pagsibak sa mga bugok na nasa serbisyo, tiyak na magkakaroon ito ng positibong resulta. (Johnny Dayang)