KAPUNA-PUNA ang biglang pananahimik ng mga kritiko ni Pangulong Duterte na nagpupumilit na ilantad ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. Nagsimulang umugong ang gayong mga kahilingan noong kainitan ng 2016 presidential elections nang halos hindi pa nababanaagan ang pagwawagi ng Pangulo na laging nangungulelat sa mga survey.

Kabi-kabila ang mga alegasyon na ang Pangulo ay nagtataglay ng iba’t ibang sakit, kabilang na ang Big C o cancer, na paulit-ulit naman niyang itinatanggi. Malimit ko ring marinig ang kanyang pag-amin na siya ay mayroon na ring mga nararamdaman kasabay ng kanyang pahiwatig: Sa edad ba naman na ito, sino ang walang karamdaman? Mahigit 70-anyos na ang Pangulo ngunit paulit-ulit ding ipinahahayag ng kanyang mga kaalyado na siya ay malakas, malusog at may sapat na kakayahang pamunuan ang bansa.

Bilang isang nakatatandang mamamayan na nasa dapit-hapon na rin ng buhay, wika nga, naniniwala ako na dinadalaw na rin ang Pangulo ng iba’t ibang sakit. Katunayan, walang kagatul-gatol niyang sinabi kamakailan na siya ay umiinom ng pain killer kung siya ay binabagabag ng matinding kirot. At kamakailan din, inamin niya na siya ay biglang nagtungo sa China upang magpasuri.

Totoong marapat nating malaman ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Duterte – at ng sinumang maghahangad maging lider ng bansa. Kailangang matiyak natin kung siya ay may sapat na lakas at matatag na determinasyon sa pagpapatupad ng mga patakaran na mangangalaga sa kabuhayan, seguridad at sa pagtatanggol ng ating mga karapatan laban sa mga panliligalig ng mga dayuhan. Hintayin natin ang mga positibong resulta sa gayong mga paninindigan ng Pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang mga pasaring ng nabanggit na mga kritiko ng Pangulong Duterte ay kabaligtaran naman noong panahon ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos (FVR). Kaagad niyang inilantad ang kalagayan ng kanyang kalusugan sa pagsisimula pa lamang ng kanyang panunungkulan. Katunayan, hindi niya inilihim ang pagkakapasok niya sa Makati Medical Center noong Disyembre 1996 nang siya ay sumailalim sa carotid surgery na pinangunahan ni Dr. Jorge Garcia. Apat na araw pagkatapos ng operasyon, nakapagsimula siyang manungkulan.

Upang mapawi ang pangamba ng sambayanan, ikinatuwa niya ang mistulang pagsugod sa ospital ng mga miyembro ng Malacañang Press Corps. Sinamahan ko ang mga reporter upang siya ay kapanayamin at patunayan ang ‘clean bill of health’ ni FVR.

Sinundan ito ng kahilingan ni FVR kay Executive Secretary Ruben Torres na ipagbigay-alam ang kanyang kalagayan sa sambayanan, lalo na sa constitutional hierarchy of succession na kinabibilangan nina Vice President Joseph Estrada, Senate President Ernesto Maceda, House Speaker Jose de Venecia, at Chief Justice Andres Narvasa. Sila ang may karapatang humalili sa Pangulo alinsunod sa batas.

Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat ilihim at kailangang ilantad sa bayan ang tunay na kalagayan ng kalusugan ng Pangulo. (Celo Lagmay)