NAPAG-ALAMAN sa isang preliminary study na nakatutulong sa pagtunaw ng mas maraming taba ang hindi pagkain tuwing hapunan.

Natuklasan sa pag-aaral na kapag nakonsumo ng mga kalahok ang kanilang calories sa loob ng anim na oras, simula 8:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon, mas mataas ng anim na porsiyento ang natutunaw nilang taba at mas stable ang hunger levels kumpara sa mga kalahok na kumain ng eksaktong bilang ng calories sa loob ng 12-oras, simula 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.

“It kind of makes sense,” ani Courtney Peterson, lead author ng pag-aaral at assistant professor ng Department of Nutrition Sciences sa University of Alabama sa Birmingham. “Your body’s fat-burning ability peaks after you’ve been fasting for 12 to 14 hours.”

Pagkaraan ng 12 oras pagkatapos ng fast, nagtutunaw pa rin ang katawan ng glycogen, molecule na nag-iimbak ng glucose (asukal). Pagkatapos ng 12 oras, nagsisimula magtunaw ang katawan ng nakaimbak na taba, saad ni Peterson.

Eleksyon

Congressional bet sa Quezon, pinatawan ng disqualification case dahil sa vote buying

Gayunman, nagbabala si Peterson na ang pagtunaw ng 6% na mas maraming taba ay hindi pumasa sa criteria ng mga researcher para masabing mas makabuluhan ito kumpara sa ibang grupo. Ibig sabihin, maaaring pagkakataon lamang ang dahilan ng pagbabago. Sa scientific terms, ang natuklasan ay hindi “statistically significant.” Ngunit maaari ring maliit lamang ang pag-aaral para magpakita ng makabuluhang pagkakaiba kumpara sa iba’t ibang grupo, ani Peterson.

Kaya, kinakailangan ng mas malawakan pang pag-aaral para makumpirma ang preliminary findings, aniya.

Binigyang-diin ni Dr. Alexandra Johnstone, senior research fellow sa Rowett Institute of Nutrition at Health sa University of Aberdeen sa Scotland, na hindi kasama sa pag-aaral, na ang maaaring dahilan sa pagkakaiba sa pagtunaw ng taba sa pag-aaral ay ang buong gabing (18 oras) hindi pagkain ng mga kalahok sa fasting group. Ngunit ang naturang pagkakaiba ay hindi nangangahulugan na ang pagkain tulad ng carbs ay hahantong sa mas mataas na produksiyon ng taba, ani Johnstone.

Ang pag-aaral, na iprinisinta sa Obesity Society Annual Meeting noong huling bahagi ng 2016, ay nilahukan ng 11 overweight na tao na edad 20 hanggang 45 na sumailalim sa dalawang weeklong phases ng eksperimento. Sa isang trial, nagsimula kumain ang mga kalahok, sa ikaapat na araw ng linggo, simula 8:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon. Sa control trial, ang mga kalahok, sa ikaapat na araw din, ay nagsimulang kumain simula 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.

Bagamat walang pagkakaiba sa timbang sa pagitan ng dalawang trial, inihayag ni Peterson na tumaas sa loob ng halos 13-oras, madalas sa gabi, ang fat-burning levels ng mga kalahok na kumain sa loob ng 6-oras na window.

Bukod sa bumilis na fat burning, napag-alaman din ng pag-aaral na mas stable ang hunger levels ng mga kalahok na kumain araw-araw sa 6-hour window laban sa 12-hour window.

Nais ulitin ni Peterson ang pag-aaral sa mas malaking sample size at masuri kung ang oras kada araw ang nakaaapekto sa fat-burning levels. (Live Science)