NAGKALAT ngayon ang mga taong nakasuot ng mga bonnet, beanie, scarf, shawl, hoodie, at “winter” jacket sa Baguio City sa gitna ng patuloy na pagbaba ng temperatura sa lungsod at patuloy na paglamig ng panahon doon simula noong nakaraang linggo.
Normal nang tanawin ang isang tao na umuusok ang bibig tuwing umaga, dahil pinakamababa ang temperature sa siyudad sa ganitong mga oras.
Sa mga lokal na turista, ito ay nakatutuwang karanasan — ang magsuot ng bonnet na nabuburdahan ng “Baguio City” o kaya naman ay cardigan o sweater sa malamig na araw na may karaniwang temperatura sa pagitan ng 15 degrees Celsius at 18 degrees Celsius.
Bumababa ang temperatura sa pagitan ng 11º at 14ºC tuwing hapon o gabi, ang panahong maisusuot na ng mga hindi residente ng Baguio ang kanilang mga bonnet, beanie, at hoodie.
Mas gusto ng mga residente na magkaroon ng bonfire sa kanilang bakuran, at kumanta o magpatugtog ng gitara habang nag-iinuman.
May ilang transient house, hotel, at bed and breakfast inn ang nagsisindi ng kanilang tsimineya para mapanatiling maiinit-init ang kanilang lugar para sa mga bisita tuwing gabi.
Naitala ang pinakamalamig na temperatura sa pagitan ng 4:00 at 6:00 ng umaga, na may tinatayang 9º at 10ºC hanggang nitong Miyerkules, na bumaba ng 7.3ºC dakong 6:00 ng umaga.
Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical at Astronomical Services Administration sa Baguio City na bababa ang temperatura sa 7.5ºC hanggang sa ikatlong linggo ng Pebrero dahil sa North East monsoon.
Ngunit lumagpas na ito sa inaasahan ng mga weather forecaster at maaari pang bumaba hanggang sa pinakamababang 6.3ºC na naitala noong Enero 18, 1961.
Sa mga nagdaang taon, ang Pebrero ang nagiging summer season sa Baguio City na tamang-tama para sa flower festival — hindi sobrang lamig at hindi rin sobrang init, “temperate”, sa madaling salita.
Noong 2015 at 2016, ang pinakamalamig na buwan ay Enero at ang pinakamalamig noong 2016 ay naitala noong Enero 26, sa 10.8ºC. (PNA)