NASA isang libong residente ng Legazpi City sa Albay ang naglakad ng tatlong kilometro mula sa pasukan ng Doňa Pepita Golf Course patungo sa paanan ng Bulkang Mayon sa Barangay Padang upang magtanim ng 3,000 puno ng pili at iba’t iba pang binhi sa taunang “Lakad Tanim Para sa Puso”, na inorganisa ng pamahalaang panlungsod nitong Araw ng mga Puso.
Nakibahagi ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan, mga miyembro ng Philippine Navy, Philippine National Police, militar, mga guro, mag-aaral at iba’t ibang miyembro ng media sa ika-11 taon pagtatanim ng puno sa paanan ng Bulkang Mayon na nagsimula makaraang wasakin ng mga bagyong ‘Milenyo’ at ‘Reming’ hindi lamang ang agrikulturang bahagi ng lungsod kundi nagbunsod pa ng pagkasawi ng mahigit 1,000 residente ng lungsod.
Ngunit apat na taon pa lamang ang nakalipas nang nagkaroon ng resolusyon ang City Legislative Council na nagdedeklara sa Pebrero 14, kapistahan ni San Valentino, bilang Arbor Day ng lungsod.
“The 1,500 planting materials have been provided by the City Environment and Natural Resources while the remaining 1,500 seedlings were given by the Department of Environment and Natural Resources to the city administration,” saad ni Legazpi City Mayor Noel E. Rosal.
Inihayag niya na mula 2007 hanggang ngayon, nakapagtanim na ang pamahalaang lungsod ng tinatayang 80,000 binhi sa iba’t ibang lugar na malapit sa Bulkang Mayon.
Napalilibutan ang aktibong bulkan, isa sa 17 protektadong lugar sa Bicol Region, ng limang bayan at tatlong lungsod — ang Ligao, Tabaco, at Legazpi—pawang sa Albay.
Binigyang-diin din ng alkalde na tumubo na ang karamihan sa mga binhi na itinanim sa mga unang taon ng reforestation project, partikular ang nasa tuktok ng view deck ng Lignon Hill, sa bahagi ng observatory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
“All these planted trees are gifts to our mother nature that will benefit the future generation,” aniya.
Pinuri ni Rosal ang lahat ng lumahok sa pagtatanim ng mga puno na magsisilbing proteksiyon mula sa mga natural na kalamidad, gaya ng baha at pagguho ng lupa. (PNA)