ANG pagkakalagda ni Pangulong Duterte sa Executive Order (EO) No. 13 ay natitiyak kong naghatid ng nakakikilabot na hudyat sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nagugumon sa masasamang bisyo na tulad ng sugal, droga at kurapsiyon.
Itinatadhana ng naturang utos ang walang patumanggang pakikidigma sa illegal gambling sa buong bansa; mahihigpit ang pagbabawal na may kaakibat na parusa sa mga susuway sa naturang direktiba.
Dapat lamang asahan ang pagkasindak ng sambayanan sa nasabing EO, lalo pa nga at ang implementasyon nito ay iniatang sa Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation (NBI). Ang mga aktibidad ng dalawang ahensiyang pangseguridad na ito ang laging nakakawing sa malalagim na pagpaslang sa mga hinihinalang user, pusher at drug lord kaugnay ng maigting na kampanya laban sa mga bawal na droga. Dahil sa sinasabing panlalaban ng mga sugapa sa shabu, halos araw-araw ay binubulaga tayo ng naghambalang na mga biktima ng umano’y extra-judicial killings (EJKs).
Totoong hindi naman dapat ikabigla ang gayong marahas subalit pinaniniwalaang angkop na hakbang laban sa mga salot at panganib sa lipunan. Ngayon lamang nalantad ang talamak na droga sa 92 porsiyentong barangay sa buong kapuluan.
Katunayan, sa kabila ng matinding illegal drugs campaign, tila hindi nalilipol ang nabanggit na bawal na droga.
Ngayong ibabaling ng Pangulo ang kanyang pakikidigma sa mga ilegal na sugal, gumitaw ang nakaiintrigang tanong:
Mayroon pa bang pupuksaing illegal gambling? Hindi ba ang mga ilegal na sugal ay ginawa nang legal?
Ang illegal numbers game na jueteng, halimbawa, ay mistulang ginawang legal sa pagpapairal ng STL (Small Town Lottery). Gayundin ang ‘masiao’ na laganap sa Visayas at ‘last 2’ na kinahuhumalingan naman sa Mindanao ay mistulang sinagip na rin ng STL. Pati ang mga ilegal na gawain ng mga kubrador ay bahagi na ngayon ng mahihigpit na regulasyon na ipinatutupad ng STL.
Maging ang off-fronton jai-alai sa Pilipinas ay sinasabing legal na rin ngayon, tulad ng iminamatuwid ng Meridien Vista Gaming Corp (MGVC); tumatalima umano ito sa lahat ng regulasyon ng gobyerno. Sinasabi na pati ang mga tupada – ilegal na sabong na patagong idinadaos – ay mistulang ginawang legal ng ilang pamunuan ng tiwaling mga barangay na nagpapahintulot sa naturang sugal.
Hindi lamang ako ang naniniwalang halos imposibleng masugpo ang illegal gambling sa bansa. Marapat lamang na gawing legal, samakatuwid ang mga ito. Sa gayon, ang limpak-limpak na pondong malilikom dito ay maiuukol sa makatao at makabuluhang programa para sa sambayanan, lalo na sa higit na nangangailangan para sa kawanggawa. (Celo Lagmay)