SAPUL nang ipatigil ni President Rodrigo Duterte ang Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP) kay Director General Ronald “Bato” dela Rosa, biglang kumaunti ang napapatay na drug pusher at user sa Metro Manila at iba’t ibang panig ng bansa. Gayunman, dalawang linggo matapos suspendihin ni Mano Digong ang operasyon, gaya ng buy-bust operations, muling nagkaroon ng mga pagpatay na kagagawan daw ng vigilantes.

Sa unang dalawang araw pagkatapos ng pansamantalang suspensiyon ng Oplan Tokhang, ini-report ng PNP na 10 suspected drug pusher at user ang napatay sa Metro Manila at dalawang iba pa sa Bulacan. Sa police reports, isinasaad na ang nasabing pagpatay ay kagagawan umano ng vigilante group.

Kung totoo ito, nangangahulugang walang kakayahan o inutil ang PNP sa pagsugpo sa vigilantes o riding-in-tandem na nakagagawa ng mga krimen nang hindi nila natitiktikan o nalalaman. Hinala tuloy ng mga tao, ang vigilante group ay binubuo rin ng mga pulis sapagkat nakapagtatakang hindi sila mapigilan ng PNP sa paggawa ng karahasan at pagtutumba sa hinihinalang pushers at users.

Kinansela ni Mano Digong ang unilateral ceasefire ng gobyerno sa New People’s Army at tinapos din ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF bunsod ng pag-ambush at pagpatay ng NPA sa mga kawal kahit umiiral pa ang tigil-putukan. Ngayon naman ang lider at founder ng CPP na si Jose Maria Sison (Joma) ang naggigiit na dapat ituloy ang peace negotiations upang matupad ang hangarin ng mga Pinoy na matamo ang tunay na kapayapaan. Ikinatwiran ni Joma na kahit may hostilities o hidwaan ang mga tropa ng pamahalaan at NPA rebels, ang usapang pangkapayapaan ay maaari namang ipagpatuloy.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayaw tantanan ni PDu30 si ex-Colombian Pres. Cesar Garivia dahil sa komento niya na ang ginagawa ng machong Presidente laban sa illegal drugs sa Pilipinas ay “parang inuulit lang ang mga pagkakamali ko.” Sa isang business forum sa Davao City noong Biyernes, tinawag ni PRRD si Garivia na isang “estupido”. Una, tinawag niya ito na isang “idiot”. Ayon kay Duterte, hindi siya estupido na katulad ni Garivia sapagkat hindi siya gagawa ng mga pagkakamali gaya ng ginawa nito noong siya ang pangulo ng Colombia. “I am not as stupid as you are,” maanghang na sundot ni Mano Digong kay Garivia.

Pinayuhan ni ex-Pres. Fidel V. Ramos si Duterte na konsultahin muna niya Gabinete at taumbayan bago gumawa ng mahahalagang desisyon at patakaran, lalo na ang tungkol sa pambansang seguridad. Binanggit ni FVR na halimbawa ang desisyon ng Pangulo na gamitin ang military sa illegal drug war, muling pagbuhay sa Philippine Constabulary (PC), at paghiwalay sa US at pagbaling sa China at Russia.

Si Sen. Leila de Lima naman ngayon ang bumabanat kay Pangulong Duterte at sa kanyang DoJ Secretary na si Vitaliano Aguirre II. Tinawag niya ang Duterte admin bilang “hypocritical” dahil galit ito sa illegal drug trade gayong nagbibigay naman ito ng pabor sa ilang kilalang tao na kinuha para tumestigo laban sa kanya.

Binanggit niyang halimbawa ang umano’y confidential memorandum ni Bureau of Correction (BuCor) Chief Benjamin Santos kay Aguirre tungkol sa paggamit ng penal facility ng Armed Forces of the Philippines sa pagdetine sa high-profile drug lords na tumestigo laban kay De Lima. Binigyan daw ang mga ito, kabilang si Herbert Colanggo, convicted armed robber-drug dealer, ng electronic gadgets, cell phones, at iba pa sa loob ng selda. (Bert de Guzman)