Kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kasong kinakaharap ng isang 23-anyos na driver matapos niyang masagasaan ang tumatawid na bata sa Makati City, kamakalawa ng hapon.
Patay na nang maisugod sa pagamutan si Jemeryc Delos Santos y Golbio, magdadalawang taong gulang, ng Barangay San Isidro, Makati City, sanhi ng matinding pinsala sa katawan.
Nasa kustodiya naman ng Makati City Police ang suspek na si John David Collantes y Gomez, ng Cypress Subdivision, San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 4:20 ng hapon nangyari ang insidente sa Guatemala Street, malapit sa San Isidro Barangay Hall, Makati City.
Binabaybay ni Collantes, sakay sa kanyang Nissan Urvan (UV Express) na may plakang UYE-731, ang Guatemala St., galing sa P. Binay St. at patungong Batangas St. nang magulungan si Delos Santos na tumatawid kasama ang kanyang kaanak.
Agad isinugod ni Collantes ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit patay na ito. (BELLA GAMOTEA)