Walong pasahero ng isang pampasaherong bus ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek ang sasakyan habang bumibiyahe sa highway ng Zamboanga City, nitong Martes ng gabi.

Ayon sa report ng Police Regional Office (PRO)-9, 35 ang sakay sa Rural Transit Bus, na may body number 9554, nang pagbabarilin ito ng mga hinihinalang highway robber dakong 11:00 gabi habang patungong Pagadian City galing sa Zamboanga City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang pinaulanan ng bala ng mga armado ng M16 rifle ang bus habang bumibiyahe sa Maria Clara Lobregat Highway, sa hangganan ng Barangay Buenavista at Bgy. Muti sa Zamboanga City.

Walong pasahero ang nasugatan at kinilalang sina Genevie Lopez Suna, 35; Noel Lopez Suna, 46; Jamal Alam 53; Jorge Elnas Gerasica, 34; Ednalyn Jaimgila, 20; John Binosa Pucugosa 36; Raniel Abung Endino, 25, at Christopher Cugon, 27, pawang residente ng Zamboanga City at Zamboanga Peninsula.

Probinsya

5 buwang sanggol, natabunan sa landslide sa Davao City

Ayon sa report ng pulisya, masuwerte namang hindi natamaan ng bala ang driver ng bus na si Seledonio Sugabo kaya nagawa nitong imaniobra ang bus patungo sa detachment ng Philippine Marines, may isang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente, na hinihinalang may motibong pagnanakaw o pangingikil. (Fer Taboy)