BOSTON (AP) — Nadomina ng Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas na tumipa ng 33 puntos, ang Philadelphia 76ers , 116-108, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Ito ang ika-40 sunod na laro na nakaiskor ang All-Star guard ng 20 puntos o higit pa para pantayan ang franchise record ni John Havlicek noong 1971-72 season. Nag-ambag si Marcus Smart ng 21 puntos at walong steal para sa Celtics.
Nanguna si Dario Saric sa 76ers sa naiskor na 20 puntos at 11 rebound, habang kumana si Robert Covington ng 18 puntos.
CAVALIERS 113, PACERS 104
Sa Cleveland, hataw si LeBron James sa naiskor na 31 puntos, habang kumubra si Kyrie Irving ng 26 puntos sa panalo ng Cavaliers kontra Indiana Pacers.
Kumubra si Kyle Korver ng 22 puntos, kabilang ang anim na three-pointer para sa ikapitong panalo ng Cleveland sa nakalipas na walong laro.
HEAT 117, ROCKETS 109
Sa Houston, tumipa si Hassan Whiteside ng 23 puntos, 14 rebound at limang blocks para sandigan ang Miami Heat kontra Rockets.
Nag-ambag si Dion Waiters ng 23 puntos, siyam na rebound at pitong assist, habang humakot si Goran Dragic ng 21 puntos para makaiwas sa three-game losing skid.
Ratsada si James Harden sa Houston sa naiskor na 38 puntos, 12 rebound at 12 assists para sa ika-15 career triple-double ngayong season.
BUCKS 129, NETS 125
Sa New York, pinatunayan ni Greek star Giannis Antetokounmpo na karapat-dapat siyang maglaro sa All-Star sa naiskor na 35 puntos sa panalo ng Milwaukee Bucks kontra Brooklyn Nets.
Nag-ambag si Greg Monroe ng 25 puntos, habang kumarga ng 20 puntos ang balik-aksiyon na si Khris Middleton.
Naitala ni Brook Lopez ang season-high 36 puntos para sa Nets.
Sa iba pang laro, nilapa ng Minnesota Timberwolves ang Denver Nuggets, 112-99; pinaso ng Phoenix Suns ang Los Angeles Lakers, 137-101; sinakmal ng Toronto Raptors ang Charlotte Hornets, 90-85; ginapi ng San Antonio Spurs ang Orlando Magic, 107-79; dinagit ng New Orleans Pelicans ang Memphis Grizzlies, 95-91; nadiskaril ng Detroit Pistons ang Dallas Mavericks, 98-91; Pinatulog ng Utah Jazz ang Portland Trailblazers, 111-88.