Takot sa sariling multo.

Ito ang reaksiyon ni presidential legal counsel Salvador Panelo kahapon matapos lumutang ang mga ulat na hindi isinama ng mga mambabatas ang kasong plunder sa mga krimeng maparurusahan ng bitay.

“Personally, maybe some of them would not want to be prosecuted later on. Or maybe some of them would not want to be subjected to such,” aniya.

Matindi ang mga pagbatikos sa House of Representatives matapos mapaulat na inalis ng mga mambabatas ang plunder sa listahan ng mga krimen sa ilalim ng panukalang batas na magbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon kay Panelo, tao lamang ang mga mambabatas at natural na takot silang mamatay.

Gayunman, iginiit niya na dapat isama ang plunder sa listahan ng mga krimen na parurusahan ng bitay upang magsilbing panakot at dahil milyun-milyong tao ang namamatay resulta ng kurapsiyon.

“When you deprive the constituents of the millions and billions of money that should be given to them, you are killing them effectively. That’s a heinous crime in my mind. That’s just a personal opinion,” aniya.

Nitong Martes, binawi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang nauna niyang pahayag, at sinabing igigiit niya na isama ang plunder sa mga krimen na maparurusahan ng kamatayan. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)