EMPOY AT ALESSANDRA copy

TATLONG pelikula ng Pilipinas ang nakapasok sa 2017 Osaka Asian Film Festival na gaganapin sa Marso 3–12, 2017.

Kasama sa competition section ang mga pelikulang Kita Kita (I See You) nina Alessandra de Rossi at Empoy mula sa direksiyon ni Sigrid Andrea Bernardo at produced ng Spring Films; Tisay nina JC de Vera, Nathalie Hartman at Joel Torre sa direksiyon ni Borgy Torre mula sa Cinema One Originals; at ang Bliss nina Iza Calzado at Ian Veneracion mula naman sa direksiyon ni Jerold Tarog under TBA (Tuko Film Production/Buchi Boy Entertainment at Artikulo Uno Productions).

Bagamat sanay nang mapasama sa iba’t ibang film festival sa ibang bansa si Alessandra, bukod pa sa nanalong Best Actress, ay ibang saya pa rin ang nararamdaman niya tuwing napapansin ang mga pelikula niya.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Hindi naman nagyayabang pero hindi na mabilang ni Alessandra ang mga tropeong naka-display sa bahay nila. Oo naman, wala namang duda na isa ang dalaga sa napakahusay na artista sa Pilipinas.

Anyway, napanood namin ang teaser ng Kita Kita na kinunan sa Japan, (kaya siguro nagustuhan ito ng festival committee) na magdyowa ang roles nila at pumasok kaagad sa isipan namin kung bakit at paano siya nagustuhan ni Alessandra habang kumakain sila at ang sweet ng aktor.

Bulag pala ang karakter ni Alessandra sa Kita Kita kaya pala sobrang in love siya sa binata kasi nga hindi naman niya nakikita ang itsura.

Abangan na lang sa Mayo ang Kita Kita dahil tiyak daw na sasakit ang tiyan ng lahat ng manonood sa katatawa.

Bukod sa Pilipinas, may entry rin ang Taiwan, Hong Kong, Thailand, Netherlands, France, Qatar, Korea, Malaysia, Indonesia, at India sa Osaka Asian filmfest.

Samantala, sa special programs ay kasama ang pelikulang Apocalypse Child ni Mario Cornejo at sa New Action Southeast Asia ay kasama ang Baka Bukas (Maybe Tomorrow) ni Jasmine Curtis Smith na idinirek naman ni Samantha Lee; Birdshot ni Direk Mikhail Red; Patintero ni Mihk Vergara at Saving Sally. (REGGEE BONOAN)