ANG alamat na palaging inihahain ng kilusang Komunista ay ang hangarin ng ganap na kapayapaan sa ilang dekadang labanan kontra sa pamahalaan. Ito ang gasgas na patalastas na ipinamumudmod sa sambayanan, higit, bawat Panguluhang halal hanggang sa matapos na lang ang termino nito. Hindi mo naman maaaring pintasan ang kada uupong “ama ng bayan” na bukas palad mag-alay ng puwang sa hanay ng CPP-NPA-NDF upang magbakasakali sa kanyang panahon matuldukan ang pinagbalutan ng panahon sa rebelyon.

Kaya lang, kung pag-aaralan ang naging karanasan ng ating Republika sa ilalim ng iba’t ibang presidente, may gintong babala tayong maaaring pulutin sa dapat ay tamang tahakin para makamtan ang ninanais na kapayapaan. Sa maikling panunungkulan ni Manuel Roxas, ipinagbawal niya ang dating grupo ng Hukbalahap. Sa klima ni Ramon Magsaysay, Sr., may larawan ang Life Magazine na ang dating Kalihim ng Tanggulan ay nakasakay sa tinaguriang “Spotter plane” habang naghuhulog ng “smoke bomb” upang matukoy ng AFP kung saan kakanyunin ang mga Huks.

Nang maging Pangulo si Magsaysay, umabot pa sa pagpapatalsik ng mismong AFP Chief of Staff at PC Chief sa layuning mareporma ang dalawang institusyon. Sinabi ni Magsaysay sa mga komunista, “Gagamitin ko ang lahat ng puwersa sa ilalim ng aking pag-uutos upang ang soberanyang kapangyarihan ng Pamahalaan ay galangin at mapanatili. Walang espasyo para sa mag traydor”.

Ang programa nito ay “All out war, or All out friendship”. Bahala ang rebelde kung ano gusto niya. Sa paninilbihan ni Ferdinand Marcos nahuli ang 2 pangunahing lider sa kaguluhan – Jose Ma Sison at Nur Misuari. Kaya lang, pinakawalan ni Cory Aquino. Kaya balik sa uno tayo sa CPP-NPA-NDF.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Si ‘Emmanuel,’ ang Hari na ipinanganak sa sabsaban para mapalapit sa atin

Kay Presidente Erap Estrada, kung hindi lang siya napaltasik, tapos na sana ang rebelyon ng MILF (43 Kampo kasama Abbu Bakr ang nakubkob), sunod nito ang Komunista sana.

Kay GMA, binuhay muli ang liderato ng MILF, na bahag-buntot nagtago sa Kula Lumpur Malaysia. Tuwing kapayapaan ang pinag-uusapan, “Magkaiba ang tinitingnan sa tinititigan”.

Si DU30, nais niya na ang kapayapaan ang maging susi sa kaunlaran. May komunista pa siya sa gabinete. Subalit ang terminong kapayapaan sa diwa ng kaliwa ay rebolusyon bago kapayapaan sa pagtatatag ng komunistang diktadurya na gobyerno. Tumpak si Digong – “All out war” na. (Erik Espina)