KUALA LUMPUR, Malaysia (AP) — Sinisiyasat ng pulisya ang mga surveillance tape kahapon para makahanap ng mga clue sa kung sino ang maaaring pumatay sa half-brother ni North Korean leader Kim Jong Un sa paliparan sa Kuala Lumpur.

Isasagawa rin ang autopsy sa bangkay ni Kim Jong Nam, ayon sa pulisya. Si Kim, 46, ay inatake noong Lunes sa shopping concourse ng paliparan at hindi pa dumadaan sa immigration para sa kanyang flight patungong Macau.

Dinala si Kim sa airport clinic at namatay habang patungong ospital. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Kim sa medical workers na inatake siya gamit ang chemical spray, sinabi ng isang opisyal.

Ayon kay Selangor police chief Abdul Samah Mat, binubusisi na nila ang CCTV footage sa paliparan ng Selangor malapit sa Kuala Lumpur.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Si Kim Jong Nam ay matagal nang walang komunikasyon sa nakababatang kapatid na lider ng North Korea. Nanirahan siya sa labas ng North Korea, kabilang na sa Macau, Singapore at Malaysia. Hayagan niyang binatikos ang North Korean regime at ang pagiging lehitimo ng kanyang kapatid.

Iniulat ng ilang South Korean media na si Kim Jong Nam ay pinatay sa paliparan ng dalawang babaeng pinaniniwalaang North Korean agent. Tumakas ang mga ito sakay sa taxi at pinaghahanap ngayon ng Malaysian police, ayon sa mga ulat.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng Malaysian police ang pagkamatay ng isang 46-anyos na lalaking North Korean na kinilala sa kanyang travel document bilang si Kim Chol, isinilang sa Pyongyang noong Hunyo 10, 1970.

Sinabi ni Ken Gause, ng CNA think tank sa Washington at eksperto sa North Korea, na Kim Chol ang pangalang ginagamit ni Kim Jong Nam sa tuwing siya ay bumibiyahe.