HINDI mapamahiin si Arellano U coach Obet Javier.

Ngunit, sa sitwasyon na kinalagyan ng kanyang koponan, aminado siya na nagsilbing anghel na gumabay sa kanya at sa Lady Chiefs ang namayapang maybahay para pagtagumpayan ang NCAA women’s volleyball.

Maliit lamang ang tyansa na pinanghahawakan ni Javier dahil sa ‘thrice-to-beat’ na bentahe ng karibal na San Sebastian, higit at kabilang sila sa pinaluhod ng Lady Stags para makumpleto ang ‘sweep’ sa elimination.

“Ramdam ko at naniniwala ako na ginabayan kami ng wife ko,” pahayag ni Javier patungkol sa kanyang maybahay na si Amy Marie na pumanaw may isang linggo na ang nakalilipas.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

“I keep talking to her to help us and guide us because I knew she wants us to win the championship again. I’m also thankful that my players kept telling me before the finals that they will dedicate the championship to her,” aniya.

Tunay na may kakaibang lakas at suwerte ang hatid ng pagnanasa ng bawat isa na mabigyan ang Arellano ng kampeonato at bigyan ng saysay ang sakripisyo ni Javier.

Laban sa Lady Stags na pinangungunahana ni three-time MVP Grethcel Soltones, umalpas ang Lady Chiefs at nakumpleto ang makasaysayang kampanya mula sa 0-3 paghahabol nang itarak ang 25-15, 22-25, 25-23, 25-16 panalo sa Game Three nitong Martes ng gabi at tanghaling kampeon sa Season 92 ng NCAA women’s volleyball.

Bukod sa ‘divine intervention’, kinalugdan ni Javier ang ipinamalas na katatagan at pusong palaban ng Lady Chiefs.

“Kahanga-hanga sila. Isang talo lang tapos na, pero hindi sila sumuko at nagpadaig sa takot at pagiging dehado.

Talagang lumaban ng todo puso sa puso,” aniya.

Buhay na patotoo naman ang San Sebastian sa matandang kawikaan na ‘history repeats itself’.

Nasa parehong sitwasyon ang Lady Stags sa nakalipas na season, subalit winalis din sila ng St. Benilde Lady Blazers.