Posibleng gawing testigo ang hinihinalang “pork barrel” queen na si Janet Napoles upang matulungan ang gobyerno sa pagpapanagot sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa paglulustay ng pondo ng bayan.

Ito ang posibilidad na binanggit ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos mapaulat na hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Court of Appeals (CA) ang pagpapawalang-sala kay Napoles sa kaso ng illegal detention.

Una nang nahatulan si Napoles sa pagdedetine kay Benjur Luy, ang whistleblower sa pork barrel fund scam, noong 2012.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, nahaharap pa rin si Napoles sa kasong plunder kaugnay ng umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang dating mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan.

“Bakit naman hindi? If she will reveal things that she did not reveal before, then cases can be filed against those whom she has implicated,” sinabi ni Panelo sa isang panayam ng media kaugnay ng posibilidad na tumestigo si Napoles upang maisulong ang mga kaso laban sa matataas na opisyal na sangkot sa nasabing scam.

“If she appears to be the least guilty, puwede siyang (Napoles) maging state witness, pero part of the grand conspiracy ‘yun, baka mastermind pa siya, paano gagawin ‘yun?” ani Panelo.

Sinabi rin ni Panelo na suportado ng Malacañang ang isinusulong ng OSG na acquittal kay Napoles sa kasong illegal detention. (Genalyn D. Kabiling)