ISANG taon na ang nakalipas, Pebrero 2016, nang magpakawala ang North Korea ng ballistic missile na bumagsak patimog sa silangan ng South Korea, sa ibabaw ng Okinawa sa Japan, at bumagsak sa Dagat Pasipiko malapit sa Batanes sa Pilipinas. Isa iyong eksperimento ng rocket para maglagay ng satellite sa orbit. Ngunit itinuring iyon ng United Nations bilang isang eksperimento ng ballistic missile technology, na ipinagbabawal sa mga resolusyon ng UN Security Council.
Nitong Linggo, nagpakawala ang North Korea ng ballistic missile, na nasa medium range. Lumipad ito patungong silangan may 500 milya tinumbok ang karagatan sa pagitan ng Korea at Japan. Ginawa ito habang nakikipagpulong si Japanese Prime Minister Shinzo Abe kay United States President Donald Trump sa Washington, DC.
Ang nasabing missile test ay itinuturing na isang mensahe sa Japan at sa Amerika na higit pang pinaiigting ang kanilang ugnayan kasunod ng pagkakahalal kay Trump at sa panawagan ng huli na pangunahan ng Japan ang malaking bahagi ng responsibilidad sa pagpapamantine ng seguridad sa bahagi nating ito sa mundo. Sa pinag-isang press conference matapos ang pagpapakawala ng missile, tinawag ni Abe ang missile test na “absolutely intolerable” samantalang idineklara naman ni Trump na “one hundred percent” ang suporta ng Amerika sa Japan.
Sa kanyang talumpati nitong Bagong Taon, inihayag ng pinuno ng North Korea na si Kim Jong-un na nakumpleto na ng bansa ang pinal na bahagi ng kahandaan para sa isang Intercontinental Ballistic Missile (ICBM) na makaaabot sa pusod ng Amerika. Inihayag ng state-run media ng bansa na ipagpapatuloy ng North Korea ang mga programa nito sa pagpapahusay ng mga armas nukleyar at mga missile hanggang sa tuluyang talikuran ng Amerika ang “hostile policy” nito.
Ang mga missile test ng North Korea ay bahagi ng nangyayaring kumprontasyon ng mga bansang naghahangad na maging dominante sa Silangang Asya, na dati nang namamayagpag ang Amerika, Japan, at South Korea, habang determinado naman ang China na patunayan ang kakayahan nito, samantalang hindi naman maipagwawalang-bahala ang sariling mga ambisyon ng North Korea. Ang tuluy-tuloy nitong paglikha ng mahuhusay na long-range missile, samahan pa ng nuclear warheads, ay walang dudang nagbibigay ng malinaw na banta sa Amerika.
Sa panig naman ng Pilipinas, sa katotohanang bumagsak malapit sa Batanes ang isang North Korean missile noong nakaraang taon, ay nagpapakita lamang na lantad tayo sa panganib at pagkakadamay sa anumang alitan, kaya dapat lamang na masusi nating subaybayan ang pagpapatuloy ng mga missile test ng North Korea.