Palalayain na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa serye ng pormal na seremonya ang daan-daang bata na maaaring na-recruit bilang mga “child warrior”, o naging miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armadong sangay ng MILF, ayon sa UNICEF-Philippines.
Sa communiqué na ipinadala sa Balita, sinabi ng UNICEF-Philippines na nasa 1,782 bata ang natukoy ay na-validate para palayain sa mga seremonyang itinakda sa Marso.
Alinsunod sa Action Plan na nilagdaan ng mga kinauukulang ahensiya ng United Nations noong 2009 at pinalawig hanggang 2013, nangako ang MILF “to end the recruitment and use of children within their ranks,” saad ni Jingjing Romero, PR consultant ng UNICEF-Philippines, sa communiqué.
Ayon sa communiqué, ang unang batch ng mga batang opisyal na madi-“disengaged” mula sa BIAF ay palalayain sa Sabado, Pebrero 18, sa isang seremonya sa Bangsamoro Leadership and Manageent Institute (BLMI) sa Crossing Simuay sa Sultan Kudarat, Maguindanao, kung saan matatagpuan ang Camp Darapanan ng MILF. (Ali G. Macabalang)