Mistulang dumiskarte para may pang-date nitong Valentine’s Day ang isang lalaki matapos nitong pasukin ang isang botika sa Las Piñas City, nitong Martes ng gabi.

Kasalukuyang sinusuri ng Las Piñas City Police ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera na nakahagip sa suspek upang tuluyan itong maaresto.

Nangangatog pa sa takot nang magtungo sa pulisya sina Merliza Sapayle de Juan at Mary Jane Oreal y dela Cruz, kapwa nasa hustong gulang, pharmacy assistant at taga-Las Piñas City, upang i-report ang insidente.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong 10:15 ng gabi nangyari ang ang panghoholdap sa Generika Drug store sa No. 380 Real Street, Talon Uno ng nasabing lungsod.

Nakonsensyang holdaper, kusang sumuko sa pulisya; ginamit na kutsilyo at baril, laruan lang!

Abala umano sina Merliza at Mary Jane sa pagsasara ng botika nang dumating ang suspek na armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril, sabay tutok sa mga biktima at nagdeklara ng holdap.

Mabilis na kinuha ng holdaper ang laman ng kaha na nagkakahalaga ng P37,000 bago tumakas na parang walang nangyari.

Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang suspek. (Bella Gamotea)