Nanindigan kahapon ang militar at ang pamahalaan sa “no ransom” policy na ipinaiiral ng gobyerno sa gitna ng mga ulat na nanghihingi ang Abu Sayyaf Group (ASG) ng P30 milyon kapalit ng kalayaan ng bihag nitong German na si Jurgen Kantner.

Kasabay nito, sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office (AFP-PAO) chief Marine Col. Edgard Arevalo na bineberipika na nila ang katotohanan sa likod ng dalawang-minuto at 19 na segundong video na nagpapakita sa payat at miserableng si Kantner, 70, habang nagmamakaawa sa mga awtoridad ng Germany at Pilipinas na tumulong sa pagkalap ng ransom, na kung hindi mababayaran ay pupugutan siya ng mga bandido, bandang 3:00 ng hapon sa Pebrero 26, 2017.

“We will look into it and we will validate for us to be sure. In the first place... personally I haven't seen the video,” ani Arevalo. “But on the side of government we do not negotiate with terrorist, other than that we do not sanction it. The government doesn't pay ransom and we do not pay ransom to terrorists.”

“Yes, our position has been consistent, we discourage payment of ransom because we believe that payment of ransom continues to embolden them (ASG), continues to capacitate them and they can buy the loyalty of the community,” paliwanag pa ni Arevalo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa halip, nangako si Arevalo na gagawin ng militar ang lahat upang ma-rescue ang German.

Umiiyak habang nagmamakaawa sa wikang German, sa video ay nagbigay din ng mensahe ng pamamaalam si Kantner sa kanyang pamilya: “And if everything goes wrong, I want to say 'goodbye' to my family. I don't think I have a chance to get out here alive. Because nothing is moving. Everyone is giving the bullet to the other. I am over. I don't have anything more to say. What will be, will be.”

Sinegundahan naman ng Malacañang ang posisyon ng AFP sa kaso ni Kantner.

“The government stands firm on our no-ransom policy. The AFP has been directed to continue and intensify its military operations,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Kasabay nito, umapela naman si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza sa Abu Sayyaf na huwag patayin si Kantner, lalo dahil 70-anyos na ito.

Apela ni Dureza, dapat na ikonsidera naman ng mga bandido ang nag-aalalang pamilya ni Kantner.

Nobyembre nang dukutin si Kanther sa isang yate sa Tanjong Luuk Pisuk, Sabah, Malaysia, habang ang partner naman niyang si Sabrina Wetch ay natagpuang bangkay sa loob ng nasabing yate, hubo’t hubad at hinihinalang ginahasa.

(FRANCIS WAKEFIELD, BETH CAMIA at FER TABOY)