Isa-isang inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office-Regional Police Intelligence Operation Unit (NCRPO-RPIOU) ang walong katao sa hiwalay na anti-illegal gambling operation sa Taguig City, nitong Martes ng gabi hanggang kahapon ng umaga.

Kasalukuyang nakakulong sa NCRPO sina Nardo Reyes y Suoahoy, 25; Benjamin Ambrisio, 46; Albert Dino, 22; Junior Rodolfo Gutierrez, 18; Kevin Nebres, 19, pawang kubrador ng jueteng at residente sa MRT Avenue, New Lower Bicutan, Taguig City; at sina Jeffrey Sales Bayaa, 33; Godofredo Leonico Escamuala, 52; at Jerome Tino Torres, 48, ng Bgy. Pinagsama, ng nasabing lungsod, na naaresto naman sa ilegal na tupada ng manok.

Ayon kay PO1 Hector Cafongtan, dakong 6:00 ng gabi dinakip ng mga pulis ang lima sa mga suspek sa kasagsagan ng kanilang pagtaya ng jueteng sa Acacia Street, New Lower Bicutan, Taguig City.

Nakumpiska sa kanila ang jueteng paraphernalia at mga perang itinaya ng kanilang parokyano.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602, Republic Act 9287 (Illegal Numbers Gambling) sina Reyes, Ambrisio, Dino, Gutierrez, at Nebres.

Bandang 10:00 naman ng umaga kahapon nang arestuhin sina Sales, Leonico at Tino sa tupadahan sa likod mismo ng Technological University of the Philippines Compound, Tenement, Taguig City.

Apat na panabong na manok at P1,200 na pinaniniwalaang pusta ang nakumpiska sa tatlong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 4499 (Illegal Cock Fighting Law) sa Taguig Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)