Sa halip na pagmamahal ang mangibabaw sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, sugatan ang isang lalaki makaraang saksakin ng gunting ng kanyang live-in partner sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Danilo Macaraeg, 43, ng No. 57 Rosario Street, Barangay 155, Bagong Barrio ng nasabing lungsod, sanhi ng sugat sa dibdib.
Naghihimas naman ng rehas ang suspek na si Michelle Aguilar, 32, at nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Sa report ni PO2 Gian Clifford, bandang 9:00 ng gabi nag-iinuman ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay.
Makalipas ang ilang oras at dala na rin ng dami ng nainom, nagkasagutan umano ang mga ito sa hindi malamang dahilan hanggang sa kumuha ng gunting si Aguilar at tinarakan ang kinakasama.
Nahimasmasan lamang umano si Aguilar nang arestuhin na ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1.
(Orly L. Barcala)