Nakabalik na sa bansa kahapon ang retiradong police colonel at isa sa mga pangunahing testigo sa P50-milyon bribery scandal laban sa ilang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na si Wally Sombero.

Bandang 8:55 ng umaga nang lumapag ang eroplanong sinakyan ni Sombero, ang Philippine Airlines flight 119, sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Vancouver, Canada.

Sinalubong si Sombero ng mga tauhan ng Office of Sergeant-at-Arms ng Senado at ng mga operatiba ng Anti-Organized Crime and Transnational Division ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nagbalik-bansa si Sombero matapos siyang ma-cite for contempt at pagbantaang kakanselahin ang pasaporte at ipaaresto kasunod ng hindi niya pagdalo sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa usapin.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa ambush interview, tiniyak naman ni Sombero na haharap siya sa susunod na pagdinig ng Senado bukas, Pebrero 16, kaugnay ng bribery scandal.

Sinabi rin ni Sombero na hindi na niya kailangan ang protective custody ng NBI dahil tiniyak naman ni Senator Dick Gordon, chairman ng komite, ang kanyang kaligtasan.

INABSUWELTO

Umalis sa bansa noong Enero 17 para magpagamot sa Canada, inabsuwelto kahapon ni Sombero si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa bribery scandal.

“I have no knowledge or any connections and means that Secretary Aguirre has been involved in this issue,” ani Sombero.

Kasabay nito, mariing itinanggi ni Aguirre na may pahintulot niya ang paglabas sa bansa ni Sombero, at inaming sumulat sa kanya ang huli para humiling na mapagkalooban ng Allow Departure Order (ADO) ng kalihim.

Sinabi ni Aguirre na tinanggihan niya ang ADO na hiniling ni Sombero, na nakatala na sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).

“Sa panahon ni Sombero, wala akong inisyu na Allow Departure Order,” paglilinaw ni Aguirre kasunod ng mga ulat na pinahintulutan niyang makalabas ng bansa si Sombero.

Ipinaalala pa ni Aguirre na gaya ni Sombero, lumiham din sa kanya si Senator Leila de Lima para pagkalooban ng ADO dahil nasa ILBO rin ito bunga ng mga kinahaharap na asunto sa Department of Justice (DoJ).

“Si De Lima sumulat din, eh, but I expressly gave her, permitted her to leave by making an order, ‘yung ADO,” ani Aguirre.

Si Sombero ang sinasabing middleman ng online gaming tycoon na si Jack Lam at nag-abot umano ng P50 milyon sa mga nasibak na BI deputy commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles kapalit ng pagpapalaya sa ilan sa 1,316 na Chinese na ilegal na nagtatrabago sa casino ni Lam sa Pampanga.

Iginigiit naman nina Argosino at Robles na sinuhulan sila ni Sombero.

KURAPSIYON, BUHAY PA RIN

Samantala, sinabi ni Sen. Grace Poe na ang pagkakasangkot ng malalapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bribery scandal ay patunay na buhay na buhay ang kurapsiyon sa kasalukuyang administrasyon.

“That corruption is alive and well. Even under this administration, there are still people protecting each other’s friends and interest,” ani Poe.

Sina Aguirre, Argosino at Robles ay pawang kasamahan ng Presidente sa Lex Talionis Fraternity ng San Beda School of Law. (May ulat ni Leonel M. Abasola) (BETH CAMIA at JEFFREY DAMICOG)