Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na inihanda na ng pulisya ang campaign plan laban sa illegal gambling, gaya ng pagpapatupad sa Oplan Double Barrel sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.
Kinumpirma ni PNP chief Director Gen. Ronald Dela Rosa na para sa kampanya kontra illegal gambling ay pupuntiryahin ang mga tinaguriang upper barrel, o ang mga high-value target gaya ng mga financier at gambling lords, habang ang lower barrel ay nasa street level.
Ayon kay Dela Rosa, magkakaroon din ng Oplan Tokhang sa bagong kampanya ng pulisya laban sa ilegal na sugal.
Tiniyak din ni Dela Rosa na tatalima ang PNP sa mga probisyong nakapaloob sa Executive Order No. 13 ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon nasa proseso pa ang PNP Directorate for Operations sa pagbalangkas sa official guidelines para sa kampanya laban sa ilegal na sugal.
Nilinaw pa ni Dela Rosa na walang itinakdang time frame sa pagpapatupad ng bagong kampanya ng PNP. (Fer Taboy)