DENVER (AP) — Naitala ni Nikola Jokic ang ikalawang career triple-double nang pagbidahan ang panalo ng Denver Nuggets sa nangungunang Golden State Warriors, 132-110, Lunes ng gabi (Martes sa Manila).
Napantayan ng Nuggets ang NBA record na 24 three-pointer na naitala ng Houston Rockets kontra New Orleans Pelicans nitong Disyembre.
Hataw si Jokic sa naiskor na 17 puntos at career high 21 rebound at 12 assist, habang kumubra si rookie Juancho Hernangomez ng season-high 27 puntos, kabilang ang anim na three-pointer, habang tumipa sina Will Barton at Jameer Nelson ng 26 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod.
SPURS 110, PACERS 106
Sa Indianapolis, hataw si Kawhi Leonard sa naiskor na 32 puntos sa panalo ng San Antonio kontra Indiana na humila sa kanilang marka na makapagtala ng impresibong karta sa 20 sunod na season.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 19 puntos sa Spurs na kumubra ng 42-13 karta, sa kabila nang pagreretiro ni leading scorer Tim Duncan.
CELTICS 111, MAVERICKS 98
Sa Dallas, ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas na kumana ng 29 puntos at walong assist, ang Mavericks.
Nag-ambag si Marcus Smart ng 19 puntos, habang nagsalansan si Kelly Olynyk ng 15 puntos para sa Atlantic Division leader.
Nanguna sa Dallas si rookie Yogi Ferrell sa nahugot na 20 puntos.
Sa iba pang laro, pinatahimik ng Washington Wizards ang Oklahoma Thunder, 120-98; pinatulog ng LA Clippers ang Utah Jazz, 88-72; ginapi ng Orlando Magic ng Miami Heat, 116-107; pinasuko ng Philadelphia Sixers ang Charlotte Hornets, 105-99; winasak ng Memphis Grizzlies ang Brooklyn Nets, 112-103; tinalo ng New Orleans Pelicans ang Phoenix Suns, 110-108; at diniskaril ng Milwaukee Bucks ang Detroit Pistons, 102-89.