Malayo man sa kanilang mga mahal sa buhay ang mga Pilipino sa Germany, ngunit hindi pa rin nalalayo sa kanilang mga puso ang kanilang mga mahal nitong Valentine’s Day.
Sinuri ng money transfer company na WorldRemit ang mga remittance mula sa mga Pilipino sa ibang bansa at natuklasan na ang mga nasa Germany ang pinakagalante. Sa Valentine’s Day noong nakaraang taon, nagpadala ang mga ito ng mula $32.5 (P1,619) pataas kaysa karaniwan nilang ipinapadala.
Sumusunod ang mga Pilipino sa Norway na nagpadala ng $24 (P1,196) pataas, at sa New Zealand, na nag-remit ng $12.5 (P598.30) pataas sa linggo ng Valentine’s Day, kumpara sa halagang ipinadala nila sa nakaraang linggo.
Walang maikukumparang datos mula sa pamahalaan. Lumabas sa statistics ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ang mga Pilipino sa United States ang nagpapadala ng pinakamaraming pera sa kabuuan, sinusundan ng mga nasa Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Ayon sa World Bank, ang remittance ng mga migrante sa Pilipinas noong 2015 ay umabot sa $28.48 billyon, ang ikatlong pinakamalaki sa likod ng India at China.
Milyun-milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa ibang bansa, at ang ipinapadala nilang pera ang bumubuo sa 10 porsiyento ng gross domestic product ng Pilipinas.
Ang London-based WorldRemit ay nag-aalok ng digital money transfer service sa mahigit 50 bansa ngunit ang datos na inilabas nitong Lunes ay nakatuon lamang sa perang ipinadala sa Pilipinas. (AP)