Patuloy na umaasa ang mga Pilipino na mas bubuti ang kalidad ng kanilang buhay at uunlad ang ekonomiya ng bansa ngayong 2017, base sa fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong nakaraang taon.
Base sa poll noong Disyembre 3-6, 2016, na binubuo ng 1,500 respondent, 48 porsiyento ng mga Pilipino ay umaasang giginhawa ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan. Tatlong porsiyento lamang ang nagsabing mas hihirap ang kanilang buhay.
Ito ay umani ng +45 optimism score, mas mataas ng dalawang puntos kaysa nakaraang quarter na may +43 (46% ang umaasa, 3% naman ang hindi).
Lumalabas din sa December survey na 37% ng mga respondent ang nagsabing umangat ang kanilang pamumuhay (“gainers”) kumpara sa nakalipas na 12 buwan, at 21% ang nagsabing mas humirap ang kanilang pamumuhay (“losers”).
Gayunman, ito ay mas mataas kumpara noong September survey na may +19 (36% gainers, 17 percent loser), na itinuturing pa rin ng SWS na “very high.”
Batay sa SWS survey, “very high” ang net personal optimism ng mga respondent sa Mindanao na tumaas muli sa +54 na unang naitala noong Hunyo ng nakaraang taon.
Sa socio-economic classes, naitala ang pinakamaraming optimistiko mula sa pinakamahihirap, na nadagdagan ng pitong puntos dahilan upang ito’y umangat sa +46 noong December survey.
Sa nasabi ring survey, lumalabas na 51% o lima sa 10 Pilipino ang kumpiyansang uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na 12 buwan.
Walong porsiyento naman ang nagsabing nanamlay pa ito. (Vanne Elaine P. Terrazola)