TINATAWAG ito ng mga taga-administrasyon bilang komprehensibong tax reform package. Isinusulong ng Department of Finance ang panukalang ito na inihain nina Rep. Joey Salceda ng Albay at Rep. Dakila Cua, ng Quirina, sa Kamara de Representantes bilang House Bill 4688.
Mistulang ang bahagi ng “reporma sa buwis” ay nakasalalay sa panukalang bawasan ang income tax rate mula sa 32 porsiyento — ang pinakamataas sa Timog-Silangang Asya — ay gagawing 25 porsiyento. Bahagi ng dahilan dito ay ang mataas na inflation rate. Ang 32 porsiyento ay ipinatupad noong 1997 para sa kita ng mga pangunahing ehekutibo.
Ngayon, dahil sa inflation, ang rate na ito ay ipinatutupad din sa kinikita ng mga karaniwang manggagawa.
Dahil ang pagtapyas sa buwis ay tiyak na makababawas sa kabuuang koleksiyon ng gobyerno, nagmungkahi ang mga opisyal ng adminstrasyon na dagdagan ang koleksiyon ng buwis mula sa ibang pagmumulan. May panukalang itaas ang Value-Added Tax (VAT), na mula sa kasalukuyang 12 porsiyento at gawin itong 15 porsiyento. May mungkahi rin na tanggalin ang ilang exemptions na tinatamasa ngayon ng ilang sektor.
Ngunit may isang panukala na hindi akma sa paglalarawan sa panukalang pagbabago sa buwis bilang isang kumpletong reporma. Ito ay ang mungkahing taasan ang excise tax sa diesel at sa iba pang petrolyo. Makaaapekto ito nang malaki sa sektor ng pagsasaka at pangingisda, na magbubunsod sa pagtaas ng presyo ng pagkain. Makaaapekto rin ito sa sektor ng transportasyon, na magreresulta sa pagtaas ng pasahe na mga karaniwang empleyado at mga estudyante rin naman ang maaapektuhan.
Upang talakayin ang mga nabanggit at iba pang mga usapin, nagtakda ang mga pinuno ng Kongreso ng mga pagdinig sa komprehensibong tax package na ipinanukala ng administrasyon, ngunit mistulang hindi dumadalo ang ilang opisyal ng administrasyon sa mga pagdinig ng Kamara. Napilitan si Speaker Pantaleon Alvarez na umapela nitong weekend sa kalihim ng Department of Energy upang magpadala ng kinatawan sa mga pagdinig na tutugon sa kanilang mga katanungan. Ang mga tanong sa DOE ay posibleng tungkol sa panukalang pagtataas ng excise tax sa diesel at sa iba pang produktong petrolyo.
Ilang senador ang nagmungkahi ng mga alternatibong panukala upang tulungan ang pamahalaan sa pangangalap ng karagdagang pondo, gaya ng pagbibigay-tuldok sa red tape sa gobyerno para mas maging madali para sa mga mangangalakal ang magnegosyo at magbayad ng buwis. Ito at ang iba pang mga panukala ay maaaring talakayin sa mga pagdinig na itinakda ng Kamara.
Ngunit bago ito, kailangang dumalo ng mga pangunahing opisyal ng mga kinauukulang ahensiya, partikular ang Department of Energy, Department of Transportation, Department of Finance, sa mga pagdinig ng Kamara. Tigilan na ang pagpapadala ng mga position paper, ayon kay Speaker Alvarez. Pinakamainam ang bukas na diskusyon upang linawin ang anumang katanungan, magkasundo sa pinakamabuting paraan upang maresolba ang mga usapin, at magkaroon ng isang tunay na reporma sa buwis.