NAGSISIKAP ang Negros Island Organic Producers Association na maisulong ang kamulatan sa agrikultura, partikular sa organic farming, sa kabataan ng Negros Occidental.
Inihayag ni Jerry Dionson, treasurer ng Negros Island Organic Producers Association, na napagtanto ng grupo na dapat pa nilang turuan ang kabataan tungkol sa kahalagahan ng agrikultura, at sa mahalagang gampanin ng mga magsasaka sa pag-unlad ng bansa.
Bukod sa probisyon na sumusuporta iba’t ibang sakahan, dapat ding ikonsidera ng gobyerno ang mga programa na makatutulong sa “human capital” ng sektor ng agrikultura, ayon kay Dionson.
“Most of our farmers are now 50 to 60 years old, they are already in their ‘dying age’ thus, we need to prepare the young generations to ensure the future of our agriculture industry,” dagdag ni Dionson.
Nagpakita na ng interes kamakailan ang Peace and Equity Foundation (PEF), isang non-government organization na nakabase sa Luzon, para tulungan ang maliliit na lokal na organic farmer na mga miyembro ng Negros Island Organic Producers Association.
Sa pagbisita ng grupo sa Barangay Busay sa Bago City noong Pebrero 7, inisyal na nakipagkita ang PEF sa mga magsasaka na miyembro ng Negros Island Organic Producers Association para tukuyin ang mga partikular na aspeto na makatutulong sila.
Naging hamon sa Negros Island Organic Producers Association ang kakulangan ng matatag na pamilihan, na una nang sinolusyunan sa tulong ng isa pang pribadong organisasyon na Family Farms Inc. (FFI).
Bukod sa pagtatayo ng matatag na pamilihan para sa mga produkto ng mga magsasaka na miyembro ng Negros Island Organic Producers Association, hihingi rin sila ng tulong sa PEF para sa pagtataguyod ng agrikultura sa kanilang mga anak, sabi ni Dionson.
“If it’s possible, they could sponsor the children of NIOPA members who may take agriculture-related courses,” aniya, sinabing “through this initiative, the depleting number of students taking such courses will somehow be addressed.”
Nagsimula ang Negros Island Organic Producers Association, dating Negros Organic Rice Industry Association, na may 25 miyembro noong 2009 at kasalukuyang may 74 na aktibong member-producer. (PNA)