TULUY-TULOY ang paalala ni Hugh Jackman sa publiko tungkol sa kahalagahan ng paglalagay ng sunscreen nang operahan siya dahil sa panibagong banta ng skin cancer.
Ginamit ng 48-anyos na Logan star ang Twitter nitong Lunes para ibahagi ang kanyang larawan na may bandage sa ilong, na inoperahan nang madiskubre ng mga doktor ang panibagong “basal cell carcinoma.”
“Thanks to frequent checks & amazing doctors, all’s well,” saad ni Jackman sa caption. “Looks worse w/ the dressing on then off! WEARSUNSCREEN.”
Unang inoperahan si Jackman sa kanyang basal cell carcinoma, ang pinakakaraniwang skin cancer, noong 2013, at simula noon ay sumailalim na sa limang operasyon para matanggal ang cancerous cell. Dahil dito, patuloy niyang binibigyang-diin ang kahalagahan ng sunblock.
Pebrero noong nakaraang taon ang pinakahuling operasyon sa kanya, at nagbahagi siya ng panibagong larawan pagkatapos ng operasyon at nagkuwento tungkol sa kanyang pakikipaglaban sa skin cancer.
Noong Mayo 2014, dumalo si Jackman sa red carpet premiere ng X-Men: Days of Future past ilang araw pagkatapos operahan, kaya mayroong puting bandage sa kanyang ilong. (ET Online)