Sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde ang hepe ng Makati City Police dahil sa pagkabigong maresolba ang tumataas na bilang ng krimen sa lungsod.
Agad ipinag-utos ni Albayalde na tanggalin sa puwesto si Makati City Police chief Senior Supt. Milo Pagtalunan at ipalit si Senior Supt. Dionisio Bartolome.
Agad sinubok ni Albayalde ang kakayanan ni Bartolome sa pagresolba sa crime rate sa lungsod, partikular ang pagkamatay ng isang babaeng nanlaban sa mga holdaper.
Ayon kay Albayalde, napapadalas ang holdapan sa ilang lugar sa Makati City kung saan malimit na tinatarget ng mga holdaper ang mga airconditioned bus sa Buendia.
Samantala, pansamantalang itinalaga si Pagtalunan sa Camp Crame sa Quezon City. (BELLA GAMOTEA)