Nakaempake na ng ilang gamit si Senator Leila de Lima at handang makulong anumang oras na ipalabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
“Pina-prepare ko na po ‘yun (pagkakulong). Magdadala lang muna ako ng isa lang muna na luggage. ‘Yung pantulog at pangbihis na araw-araw sa detention center, kung saan man ako. Mga comfortable clothes, casual shirts, pants,” sabi ni De Lima.
Ayon kay De Lima, wala siyang balak na tumakas, ngunit nananalangin siyang maging ligtas ang kanyang buhay at hindi siya maging biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa loob ng kulungan.
“Ang pakiusap ko lang po, sakali lang po mangyari na — God forbid — ‘yung eventuality na ‘yan (EJK), ay sana ilagay naman ako sa isang lugar na magiging safe and secure ako because marami na pong mga nangyayari po, pinapatay din sa loob ng selda,” dagdag ng senadora.
Sinabi ni De Lima na pinulong na niya ang kanyang staff nitong Biyernes at nakiusap sa mga ito na sakaling dumating na ang araw na arestuhin siya ay huwag ang mga itong iiyak at malulungkot dahil makakalabas din, aniya, siya.
Nitong Linggo ay nagkita-kita rin sila ng malalapit niyang kaanak at ipinaliwanag niya sa mga ito ang mga maaaring mangyari.
“I told them it’s imminent na baka nga tuluyan na akong ipaaresto. Ipa-file na nila (Department of Justice) ang information possibly with the regular courts, and then kung hindi maagapan ng TRO (temporary restraining order) na hinihingi ko, then prepare yourself for the scenario,” sabi ni De Lima. (Leonel M. Abasola)