SINISIGURO ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na walang dugong dadanak sa kanilang kampanya laban sa mga ilegal na pasugalan sa buong bansa, bilang pagtugon sa bagong lagdang Executive Order No. 13 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga “illegal gambling operators” muna ang haharapin ng mga alagad ng batas habang pansamantala niyang ipinatigil ang naging pamosong Oplan Tokhang ng PNP.
Sa lahat ng mga pinagsasabi ni CPNP Bato, sa usaping ito ko siya lubusang pinaniwalaan– na walang dugong dadanak…wala talaga, wala – dahil kahit pag-isipan ko pang mabuti at balikan ang mga panahong ipinagtrabaho ko bilang police reporter simula pa noong dekada ‘80, wala akong maalala, kahit isa manlang, na gambling lord na naitumba at tinakpan ng diyaryo sa kabila ng walang-humpay na kampanya ng mga pulis laban sa ilegal na pasugalan.
Mayroon akong naaalalang ilang naibulagtang kubrador ngunit hindi dahil sa operasyon laban sa kanila ng mga pulis, kundi dahil sa umano’y pang-ESTAFA sa kubransa na nadiskubre ng kanyang kabo – yun lang talaga. Walang nangyaring patayan gaano man katindi ang mga operasyon. Ang lahat nakukuha sa “MAGKANONG” usapan.
Ang tanging alam kong DINUDUGO sa mga operasyong ganito ay ang mga BULSA ng mga gambling lord, dahil sa todo-todong paglabas ng pera pandagdag sa lingguhang INTELIHENSIYA na ipinamumudmod nila sa mga nagsasalimbayang anti-illegal gambling operator na dati ay galing lang sa PNP ngunit nadagdagan na ng mga TASK FORCE mula naman sa National Bureau of Investigation (NBI); Department of Interior & Local Government (DILG) at sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC) – lahat na yata ay nakisawsaw na sa laki ng perang pinag-uusapan dito.
Malaking halaga ang umiikot sa mundong ito ng ILLEGAL GAMBLING sa buong bansa lalo pa’t nakakanlong ang mga ito... ngayon sa mga sinasabing legal na pasugalan gaya ng Small Town Lottery (STL) para sa jueteng; Horse Racing para sa mga bookies; Jai Alai Off Fronton para sa Masiao at iba pang online gaming. Ang mga pasugalang ito ay nakararating maging sa mga liblib na lugar sa buong bansa dahil sa Internet at satellite broadcasting.
Bantayan at subaybayan natin ang kampanyang ito ni Pangulong Duterte at ni Dela Rosa. Tingnan natin kung hanggang saan ang TIGAS nilang dalawa sa pakikibaka sa problemang ito na, ayon naman sa mga nakatatanda isa nang tradisyon sa ating bansa, sa halip na buwagin ay hanapan na lamang ng makatuwirang paraan upang pagkakitaan at pakinabangan ng pamahalaan at hindi ng iilan lamang.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)