Ang sikat na Boracay Island sa Malay, Aklan ang top location sa bansa ng mga mahihilig kumuha ng litrato para sa Instagram, ayon sa isang international travel website.
Sa isang mensahe na ipinadala sa e-mail, sinabi ni Benjamin Beck ng Home Away Travel na hindi na ito nakagugulat dahil ang Boracay ang premier beach destination sa bansa.
Batay sa pagsusubaybay ng travel website, nakakuha ang Boracay ng 71, 608 likes. Sinusundan ito ng Coron Island sa Palawan na mayroong 47,259 likes.
Ang iba pang most loved Instagram locations sa bansa ay ang Chocolate Hills sa Bohol (37,436 likes); Enchanted Kingdom (14,201 likes); Quezon Memorial Circle (13,496 likes); San Agustin Church sa Intramuros, Maynila (12,738 likes); Hundred Islands National Park sa Pangasinan (11,957); Rizal Monument (10, 287 likes); at Malacañang Palace (9,917 likes).
Samantala, ayon sa Home Away Travel, ang Pilipinas ay pang-10 sa Most Loved Instagram Locations sa Asia. Nangunguna ang Japan. (Jun N. Aguirre)