ERIK SANTOS LANG_please crop copy copy

IMPOSIBLENG hindi kami mapahalakhak ng malakas kapag kakuwentuhan namin si Erik Santos dahil sa mga pinagsasabi niyang puro naman off-the-record.

Kilala mo naman na si Erik, Bossing DMB kaya may ideya ka na kung ano ang pinagkukuwentuhan namin. (Sure ako, ang paboritong topic niya na pang-entertain niya sa atin. –DMB) Pero gusto naming i-share ang ilan sa mga pinag-usapan namin para naman maaliw din ang makakabasa nito.

Agad bumeso at yumakap ng mahigpit si Erik nang magkita kami sa isang coffee shop sa Morato at tinapik naman namin siya, kaya napansin namin ang tigas ng dibdib at tiyan niya. Kaya tinanong namin kung anong exercise ang ginagawa niya dahil ang tigas ng katawan niya.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Seryoso ang tanong namin, sinagot ba naman kami ng, “Alin ba ang matigas, Ate Reggee?” sabay turo ng lower part niya.

“Siyempre nai-exercise rin ‘yan, sagana,” sabay tawa ng malakas.

Mabuti na lang at sanay na kami kay Erik Santos, kaya hindi na kami naasiwa sa mga kabulastugan niya.

Pinansin din namin habang sarap na sarap siyang kumakain ng ice cream kung hindi ba ito nakakasama sa boses o health niya kasi nga nagkuwento siya na pawang gulay at isda ang kinakain niya araw-araw, walang baboy, dalawang beses sa isang buwan lang siya kumakain ng beef.

“Minsan lang naman itong ice cream, ang sarap kasi, pati itong beans (sweet beans), ang lakas ko rito, kaya mabaho ang utot ko, eh,” kaswal niyang sabi.

“Healthy ‘pag may amoy ang utot?” mabilis naming sabi.

Actually, ipina-off-the-record niya na mabaho ang utot niya, pero naaliw kami kaya isinulat na namin. Para maipakilala na rin sa fans kung gaano siya ka-down-to-earth.

Ganito kami mag-usap ni Erik, no holds barred, walang kiyeme, kaya gustung-gusto namin siyang kakuwentuhan. Lagi niyang sinasabi sa amin, “Itong si Ate Reggee, nakakatakot kausap, eh, kasi verbatim kung magsulat maski walang recorder.”

Pero ito lang ang puwede naming mai-share sa readers natin, Bossing DMB dahil baka hindi na kami kausapin uli ng binata.

Anyway, masayang ikinuwento ni Erik na may offer ulit sa kanya para umarte sa Maalaala Mo Kaya. ‘Yung nga kasing naunang tatlong ginawa niya ay pawang maganda ang feedback at mataas ang ratings.

Gustung-gusto ng televiewers ‘yung episode nila ni Angeline Quinto na marami ang pinaiyak.

“Hindi lang mag-swak sa sked. Natutuwa naman ako kasi hindi naman ako aktor. Saka nai-enjoy ko naman kasi lahat ng napapanood kong nakakaiyak, nadadala ko minsan sa MMK. Tulad ‘tong Jollibee, letseng Jollibee ‘yan, ang sakit sa puso,” at bigla ngang namula ang mga mata ng singer.

Naka-relate pala siya sa “Vow”.

“Malapit na situation, grabe, ang sakit sa puso nu’ng tatlong (version) series na ‘yun. ‘Yun ang ano sa akin, nauuna pa akong umiyak sa bida,” pagtatapat ni Erik.

Kaya agad na naming kinumusta ang love life niya.

“Ang tanda ko na,” halos pabulong na sagot.

Ibig sabihin, wala pa rin siyang love life na ipinag-aalala na rin niya.

Sinabi namin ang inamin ni Angeline na kung willing pa si Erik na maghintay (ng limang taon), tiyak na sila na sa huli.

“(Ang tagal), marami pa naman diyan,” sabi ng binata.

Payo namin, huwag na siyang humanap ng iba dahil mas bagay sila ni Angeline at baka ‘yung makikilala niya ay hindi niya kasundo o baka hindi maintindihan ang trabaho niya at dapat click sila sa lahat ng bagay.

“Talaga, Ate Reggee? Sa tingin mo okay kami?” balik-tanong sa amin.

Umamin si Erik na nagkadebelopan talaga sila ni Angeline noong nasa Amerika sila sa loob ng dalawang buwan, pero hindi sila humantong na pagkakaroon ng relasyon, kasi nga marami pang obligasyon si Angge.

Inamin din niya na boto ang pamilya niya sa dalaga.

“Actually, wala naman say ang pamilya ko basta kung saan ako masaya, doon sila. Masaya kasi kaming pamilya, kaya lahat kami magkakasama sa iisang bahay, ‘yung bunso nga namin bago bumukod, hirap na hirap kaso very close kaming pamilya talaga, masaya kami, nagbibiruan kami parati.

“Kaya siguro isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi ko naiisip pang mag-asawa kasi parang hindi ko kayang umalis sa amin. Sabi nga nila, bakit hindi pa ako bumubukod, eh, kaya ko naman na.

“Sabi ko, mami-miss ko ang luto ng nanay ko, ‘yung biruan namin, ‘yung magkakasama kami sa iisang lamesang kumakain, alam mo ‘yun?

“Pero aaminin ko na hindi na rin naman ako bata. At the end of the day, siyempre gusto mo rin ng may kasamang matulog, may maggu-good morning at good night sa ‘yo, mag-a-I love you. Iba rin ‘yung naibibigay na happiness sa ‘yo.

“So, ‘yun ang pressure sa akin, Ate Reggee, wala pa akong nakikita,” mahabang kuwento ni Erik.

“Nakakatawa nga, kasi nu’ng birthday ni Mama Bob (lola ni Angeline), ako ang last dance niya, bumulong sa akin, ‘Eh, kelan ba?’ Kunwari nagbingi-bingihan ako, inulit-ulit, ‘Kelan ba kayo ni Angeline?’ Sinagot ko na nakangiti ng, “Anak n’yo po ang tanungin n’yo, siya ang hindi pa ready. Ako matagal nang handa.”

Nakaka-pressure nga kasi hindi lang pala sa partidos at mga kaibigan ni Erik siya tinatanong, pati na rin ang magulang ni Angeline.

Kaya hirit ulit namin, limang taon lang naman ang ipaghihintay niya, kaya niya iyon, mala-Coco Martin at Julia Montes ang peg, ha-ha-ha.

Mukhang may second chance pa rin namang nakalaan sa kanila, kahit hindi naman talaga nagkaroon noon, he-he...

“Pre-occupied ako ngayon, Ate Reggee, ang dami kong ganap, ang dami kong shows this year, halos malapit nang mapuno nga kasi after ng Valentine show namin (kagabi) ng #Hugotplaylist, may Solaire ako sa April 7, ako mismo ang magdidirek at magsusulat ng show ko, ako rin ang performer. ‘Tapos plano kong mag-aral ng stage directing kasi gusto kong i-pursue ito,” kuwento ni Erik.

Oo nga, ano pa ba ang kulang kay Erik maliban sa international career, pero mukhang mas okay siya rito sa Pilipinas dahil nandito ang market niya.

Kaliwa’t kanang hit songs at bumebentang albums, may dalawang teleserye na siya ang kumanta ng theme song, ang My Dear Heart at Better Half.

“Kaya longevity na lang dapat dahil sa rami ng bagong singers ngayon, nandito pa ako after 15 years kaya sobra akong grateful sa ABS, Cornerstone at Star Magic kasi sobra pa rin nila akong pinagkakatiwalaan,” pahayag ng King of Teleserye Theme Songs. (Reggee Bonoan)